FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MISTULANG kasado na ang bagong Ombudsman, si dating Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, sa una niyang paghagupit bilang bagong tagapagdisiplina sa gobyerno.
Nitong Oktubre 22, ipinag-utos ni Remulla ang malawakang paglilinis sa kanyang bagong tanggapan mula sa mga tiwali, inatasan ang 80 pinakamatataas na opisyal na magsumite ng courtesy resignations at hiniling sa 204 bagong pasok na mag-reapply sa kani-kanilang posisyon.
Target ng direktibang ito ang mga pinagsususpetsahang “midnight appointees,” karamihan ay itinalaga noong mga huling araw ng nakalipas na administrasyon. Sa ngayon, tuloy lang sila sa pagtatrabaho habang pinag-aaralan ang kanilang posisyon. ‘Ando’n ‘yung lakas ng loob. At mukha pa ngang walang kinatatakutan.
Gayonman, may duda ang Duterte supporters kung tunay bang reporma ang puntirya ni Remulla, o nagpapakitang-gilas lang sa camera. Tanong nila: Ano ba talagang sinusuri sa mga posisyon? Well, ang sabi nila, hindi naman daw ang mga taong may hawak ng posisyon ang talagang sinisilip; kundi ang koneksiyon at impluwensiya ng tanggapan mula sa dating Duterte administration.
Para maging patas kay Remulla, kailangan naman talaga ang balasahan sa kanyang tanggapan upang mabura ang impresyong masyadong palakaibigan ang Ombudsman sa mga tiwali sa gobyerno sa termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Matatandaang sa ilalim ng pamumuno ni Ombudsman Samuel Martires — na itinalaga ni Duterte — ang pananahimik ay naging katumbas ng pananatili.
Iyon ang ombudsman na na-perfect na ang sining ng kawalan ng ginagawa. Pahiram lang ako ng ilang salita mula sa Editorial ng isang online publication (ThePhilBizNews). Mistulang si Martires ay naging simbolo na ng pagpapakahulugan sa pagiging sunud-sunuran bilang kunwaring paglilihim, samantala ang pakikipagsabwatan ay idaraan naman sa palusot na confidentiality. Ang tinawag niyang pag-iingat ay Duterte’s Omerta — isang pangako ng pagsasawalang-kibo na nagbabaon sa limot sa pananagutan at isang pagtatraydor sa publiko na sinumpaang poprotektahan ng kanyang tanggapan.
Pero ito na ang twist: ang kaso ni Joel Villanueva. Noong 2016, tinanggal sa puwesto ni noon ay Ombudsman Conchita Carpio Morales si Villanueva dahil sa maling paggamit ng ₱10 milyon mula sa sariling pork barrel funds – isang pekeng farm product-purchasing project sa Region 11.
Nagkaisa naman ang Senado, iginiit ang separation of powers, at tumangging ipatupad ang nasabing desisyon sa bisa ng isang legal opinion na isinulong noon ni Sen. Tito Sotto.
Pero sa pagpasok ni Remulla sa Ombudsman, nangako siyang bubuhaying muli ang utos na alisin sa puwesto si Villanueva, gaya ng parusang ibinaba ni Morales, na para rito ay karampatan sa pagkakasalang administratibo. Pero biglang atras si Remulla, inianunsiyong hindi na lang siya liliham kay ngayon ay Senate President Sotto.
Bakit? Dahil nadiskubre niyang wala na palang kaso na bubuhayin. Tumpak! May dalawang bagay na ginawa si Martires para sa kaso ni Villanueva na nagpatibay sa mga alegasyon laban kay Martires bilang Ombudsman – panangga ng mga nasa kapangyarihan at tagapagpatahimik ng mga whistleblowers.
Una, ibinasura ni Martires noong 2019 ang aspektong kriminal ng mga kaso laban kay Villanueva, taliwas sa mga natuklasan sa imbestigasyong administratibo. At pangalawa, dahil ang ginawa niya ay hindi naman nakapagpawalang-bisa sa parusa ng administrative case na dinesisyonan na ni Morales, tahimik niyang binaligtad ang nasabing dismissal order. Sa ginawa niyang ito, hindi napanagot si Villanueva, at marahil ang maraming iba pa.
Ngayon, ginulat tayo ni Remulla ng isa pang pagbubunyag: sumailalim siya sa gamutan ng leukemia. Matapos makaligtas sa open-heart surgery, kanser sa dugo naman ang napagtagumpayan niya, at bitbit ang mas maayos nang kalusugan ay nananatili siya sa serbisyo. Dahil dito, walang pagdududa ang kolum na ito sa kanyang intensiyon — kundi tanging respeto at isang kahilingan na lagi sanang maayos ang kanyang kalusugan.
Gayonman, kung nais talaga niyang maibalik ang integridad sa gobyerno, huwag sana niyang ipagbandohan ang hustisya na parang espadang puntirya lang ang mga kaaway ng mga Marcos. Ang pagtukoy sa katapangan ay hindi lamang idinaraan sa paglilinis sa katiwalian ng mga nasa kalaban; iyon ay nasa paglilinis ng sarili mong bahay.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com