
ni ALMAR DANGUILAN
TATLONG pinaniniwalaang construction workers ang kompirmadong patay habang dalawa ang hinahanap pa matapos bumulusok sa bangin ang sinasakyang blue Elf truck kasunod ng banggaan ng tatlong sasakyan sa Mountain Province nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), 6:00 ng umaga nitong Lunes, 27 Oktubre, nang maganap ang insidente sa Sitio Gawa, Barangay Tocucan, Bontoc.
Batay sa ulat, nabangga ng Elf truck ang isang Fiera at isang mini-dump truck habang binabaybay ang paakyat na bulubunduking kalsada sa Gawa area.
Dahil sa impact, lumihis ang Elf truck sa kalsada at nahulog sa bangin na may halos 100 metro ang lalim, at napadpad sa Chico River sa ibaba.
Patay na nang marekober ng mga awtoridad ang tatlong pasahero sa loob ng wasak na sasakyan habang nawawala ang dalawa pang kasama nila.
Nabatid na ang mga sakay ng truck ay manggagawa ng Balintaugan Construction, at patungo sa isang project site sa Kuro-Kuro, Sadanga, nang maganap ang insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com