BINAWIAN ng buhay ang isang 50-anyos lalaki sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Tañong, lungsod ng Marikina, nitong Sabado ng madaling araw, 25 Oktubre.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 2:09 ng madaling araw at tuluyang naapula 2:56 ng madaling araw.
Base sa paunang impormasyon, tiniyak muna ng biktima na ligtas na mailabas sa kanilang bahay ang kaniyang asawa at mga apo.
Muling pumasok ang biktima sa loob ng kanilang nasusunog na bahay upang kunin ang ilang mga importanteng gamit ngunit hindi na siya nakalabas.
Nabatid na anim na bahay ang natupok sa sunog kung saan apektado ang hindi bababa sa 26 indibiduwal.
Tinatayang nasa P350,000 ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang dahilan ng sunog.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com