RATED R
ni Rommel Gonzales
HINDI nagdamot si Xyriel Manabat na ibahagi ang karanasan niya sa tunay na buhay na may kinalaman sa muntikan na niyang pagkamatay.
Nasa pelikulang Near Death kasi si Xyriel at sa tanong namin kung nakaranas na ba siya ng isang near-death experience, rito niya ginulat ang mga tao dahil sa pagpapakatoto niyang kuwento.
“Ako po, nagkaroon ako ng near-death experience. Sa ospital at saka sa buhay.
“So sa ospital, naranasan ko ‘yung tinatawag na ‘yung mga nurse kasi unresponsive na ako. Tapos sa buhay naman, nakaranas na ako ng parang Julia moment, na parang at a very young age, maaga kong na-feel na parang ayoko na, parang tapos na ako, ganyan.
“So yes, marami na po akong mga near-death experience sa medical and mental na aspeto.”
Dahil sensitibo ang topic ay hindi na idinetalye ni Xyriel kung ano ang ginawa niya dati.
Ano ang natutunan niya mula sa kanyang naging karanasan?
“Gaya po niyong sabi ni Ms. Lot and ni Ate Charlie, hindi naman kada makakasalamuha natin, malalaman natin kung ano ‘yung pinagdaraanan.
“Hindi naman porke’t may nagawang mali sa atin that day, kukutyain na natin, pagsasalitaan na natin ng masama, sisirain na natin ‘yung araw nila dahil lang may inconvenience.
“So it’s free to be kind, it’s free to be nice.
“Masayang maging kaibigan kasi hindi mo alam kung kailan nangangailangan ng kaibigan ‘yung taong kaharap mo.
“So it’s free to be kind. Lagi ka lang maging mabait sa kapwa mo, kahit na may ginagawang anomalya or kung ano man sa paligid mo. Always choose to be kind.”
Bida sa Near Death, na may tema tungkol sa suicide, si Charlie Dizon bilang si Julia.
Si Xyriel naman si Mia na kapatid ni Julia.
Kasama rin sa pelikula sina Lotlot de Leon, RK Bagatsing, at Soliman Cruz.
Paano nalampasan ni Xyriel ang madilim na bahaging iyon ng kanyang buhay?
“It’s a long process po. It’s not linear and at the same time, you really have to acknowledge it and you really have to ask for help.
“Huwag mong ikahihiya na nanghingi ka ng tulong.
“Kasi that’s the bravest thing you can give for yourself. To ask for help.”
Sa direksiyon ni Richard Somes na producer din ng pelikula, kasali ang Near Death sa Sine Sindak Film Festival sa mga SM Cinema.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com