
HATAW News Team
NAGSILBING mata ng katarungan ang CCTV footage para matukoy ng pulisya na ang sariling mister ang kumitil sa buhay ng isang babaeng natagpuan ang duguang katawan sa loob ng isang simbahan sa Brgy. Poblacion, Liloan, Cebu noong Biyernes ng umaga.
Ang 44-anyos biktima tinukoy sa pangalang Estela ay natagpuang duguan malapit sa pintuan ng Parish Church ng San Fernando Rey na may matinding sugat mula sa pagpukpok ng matigas na bagay sa kaniyang ulo at nakitaan rin ng bakas ng sakal sa leeg, wala nang buhay.
Ayon kay P/Lt. Col. Dindo Alaras, hepe ng Liloan MPS, nakita ang biktimang may dugo sa ilong, may mga sugat sa likod ng kaniyang ulo, at may mga itim na marka sa kaniyang leeg.
Batay sa imbestigasyong isinagawa ng pulisya, hindi imposibleng maaaring may nangyaring pisikalan sa loob ng simbahan bago bawian ng buhay ang biktima.
Ani Alaras, may narinig ang tindero ng kandila na babaeng sumisigaw sa loob ng simbahan.
Nakita rin ng ilang mga saksi ang biktima na pumasok sa simbahan kasama ang isang lalaki matapos ang misa na tinangka nilang abisohan dahil may maglilinis na sa loob.
Nagawangg madala sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit idineklaranang dead on arrival ng doktor.
Sa tulong ng mga kuha ng CCTV ng simbahan, inimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang ikinasa na ang hot pursuit operation upang matunton ang suspek.
Base sa update report ng Liloan Municipal Police Station (MPS), pinaghahanap na ang suspek na kinilala sa pangalang “Ronie” matapos nang hindi siya matagpuan sa kanilang tahanan sa Poro, Camotes, Cebu.
Sa pahayag ng testigo sa pulisya, nakita niyang pumasok sa simbahan (matapos ang misa) ang nasabing babae kasama ang isang lalaki. Ngunit ilang saglit lang ay nakarinig siya ng komosyon at palahaw ng isang babae sa loob ng simbahan.
Nabatid na bago nadiskubre ang krimen ay nakitang tumatalilis ang nasabing lalaki palabas ng simbahan.
Sa rebyu ng mga imbestigador sa kuha ng CCTV, dito’y nakitang hinahataw ng matigas na bagay ng nasabing mister ang kaniyang misis.
Sinabing kalalabas ng suspect sa detention cell matapos ipagharap ng kasong paglabag sa Violence Against Women and Children’s Act ng biktima dahil sa pambubugbog sa kaniya.
Samantala, ipinahayag ni Cebu Archbishop Alberto Uy na pansamantalang ipasasara ang Parokya dahil sa naganap na krimen.
Pahayag ng Arsobispo, “I, as the Archbishop of Cebu, decree the temporary closure of the Parish Church of San Fernando Rey, Liloan. All public acts of divine worship are to be suspended until proper canonical procedures are completed to ensure the reparation of the desecration and the restoration of the church’s dignity as a house of prayer and peace.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com