AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA BAWAT reklamo tungkol sa buwis, laging kasama ang tanong na “saan napupunta ang pera namin?”
Naiintindihan natin ang pagdududa, lalo na kapag paulit-ulit ang balita tungkol sa korupsiyon. Pero bago tayo mainis sa mismong buwis, kailangan nating balikan ang katotohanan na walang gobyerno na kayang gumana nang walang pondo, at ang pondong iyon ay galing sa atin mismo.
Ang mga buwis ang nagpapalakad ng serbisyo ng gobyerno, mula sa mga paaralan kung saan natututo ang mga bata, hanggang sa mga ospital na nagbibigay ng lunas sa mga maysakit. Ang mga tulay at kalsada na ginagamit araw-araw ng mga manggagawa ay galing din sa buwis. Kapag binawasan natin ito, mas mababawasan din ang kakayahan ng gobyerno na maghatid ng serbisyong kailangan ng publiko.
Hindi buwis ang dapat sisihin kundi ang katiwalian na sumisira sa tiwala ng mamamayan. Kapag may nagnanakaw, hindi mo titigilan ang tungkulin mo para lang hindi ka manakawan, hahabulin mo ang magnanakaw. Ganoon din dapat sa gobyerno. Dapat singilin ang mga tiwali, hindi ang mismong sistema ng buwis na nagbibigay ng lakas sa ating bansa.
Kaya hindi rin makatarungang sisihin ang mga opisyal na tulad ni Finance Secretary Ralph Recto at ang Department of Finance. Ang tungkulin nila ay tiyaking matatag ang ekonomiya at maayos ang paggamit ng pera ng bayan. Parang sa isang tahanan, kailangan ng may marunong magplano kung saan ilalaan ang kinikita para mapanatiling maayos ang buhay ng pamilya.
Kung gusto nating umusad bilang bansa, dapat tanggapin nating ang buwis ay hindi kalaban. Ito ang puhunan ng progreso at pundasyon ng gobyerno.
Ang tunay na hadlang ay katiwalian, at kung ito’y tuluyang mawawala, makikita natin kung gaano kalaki ang maitutulong ng bawat piso para sa kinabukasan ng Filipinas.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com