MATAPOS ang maraming oras na paghahanap ay narekober ang bangkay ng isang batang babae na nalunod habang naliligo sa ilog sa Santa Maria, Bulacan noong Biyernes, 17 Oktubre.
Kinilala ni Police Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng Santa Maria MPS, ang biktima na si Lady Jane Laurete, 12-anyos, estudyante at residente sa Sitio Matang Tubig, Barangay Guyong, Santa Maria.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, kasama ng biktima ang isang kaibigan nang maligo sa Sitio Pisang River, Barangay San Jose Patag dakong 2:00 ng hapon noong Biyernes.
Sinabi sa ulat na habang naliligo ay sumisid ang biktima sa mas malalim na bahagi ng ilog kung saan siya tuluyang inanod ng malakas na agos ng tubig hanggang nalunod.
Agad iniulat ang insidente sa mga opisyal ng barangay na humingi ng tulong sa Santa Maria Rescue para magsagawa ng rescue/retrieval operation ngunit nabigong mahanap noong Biyernes.
Napag-alamang nakuha ang bangkay ng biktima kinabukasan na dakong 12:30 ng tanghali ilang dipa ang layo sa nasabing ilog. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com