MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang dalawang indibiduwal na sangkot sa milyong pisong halaga ng investment scheme sa isang mall sa Angeles City, Pampanga kamakalawa.
Mga operatiba ng CIDG Tarlac PFU 3 sa pamumuno ni Police Major Arvin E. Hosmillo ang umaresto sa dalawang suspek na kinilalang sina alyas Joyce at alyas Mauris, sa isang entrapment operation sa Starbucks, Marquee Mall, Angeles City.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng mga biktima na sinasabing nadaya nang mahigit ₱93 milyon sa pamamagitan ng mapanlinlang na investment scheme.
Naaktohan ang mga suspek na tumatanggap ng marked money mula sa mga nagrereklamo at narekober sa operasyon ang mga tseke na nagkakahalaga ng ₱18 milyon, boodle money, marked bills, at mga mobile phone na ginamit sa transaksiyon.
Ayon kay Police Colonel Grant A. Gollod, hepe ng CIDG Regional Field Unit 3, ang isinagawang operasyon ay sumasalamin sa kanilang patuloy na pangako na dalhin sa hustisya ang mga taong nagsasamantala sa tiwala ng iba sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na pamamaraan.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang dalawang suspek na nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa mgabatas kaugnay ng swindling/estafa sa ilalaim ng Revised Penal Code. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com