
ni ALMAR DANGUILAN
LUMARGA na ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) ng Micesa 8 Gaming Inc., matapos aprobahan ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) ang prangkisa ng kompanya.
Sa pagbubukas ng operasyon nitong 20 Oktubre, nagsagawa ng motorcade ang bagong lisensiyadong operator ng STL sa lungsod, kapalit ng dating nagmamay-ari ng prangkisa na Lucent.
Ang pagbabagong ito ay nagmamarka ng panibagong yugto sa pagpapatakbo ng STL sa lungsod, isang hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko at mawakasan na ang talamak na operasyon ng mga ilegal na numbers game.
Ang prangkisa ng Micesa 8 Gaming Inc., bilang STL Authorized Agent Corporation sa Quezon City ay inaprobahan ni PCSO Gen. Manager Melquiades A. Robles, alinsunod sa PCSO Board Resolution No. 163 Series 2025 na nagbibigay pahintulot na magpatakbo ng Small Town Lottery.
Ayon sa pamunuan ng Micesa 8, mahalaga ang mas matibay na kooperasyon sa pagitan ng Quezon City Police District (QCPD), at mga lokal na opisyal sa kampanya laban sa ilegal na sugal na patagong isinasagawa sa iba’t ibang barangay.
Naniniwala ang kompanya, sa tulong nang maayos na koordinasyon ng PCSO, pulisya, at mga lehitimong STL agent, maipatutupad ang isang tapat, maayos, at ligtas na sistema ng numbers game sa lungsod.
Tiniyak ng Micesa 8 na susunod ang kompanya sa lahat ng alituntunin ng PCSO, kabilang ang tamang pag-uulat ng kita, patas na draw, at maagap na remittance sa pamahalaan.
Umaasa ang kompanya na sa tuloy-tuloy na suporta ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng mga mamamayan, magiging modelo ang lungsod Quezon sa pagpapatupad ng malinis, transparent, at lehitimong STL operations sa bansa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com