
ni ALMAR DANGUILAN
IBINUNYAG kahapon ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Markus Lacanilao na ang construction firm ni dating congressman Zaldy Co — ang Sunwest Incorporated — ay may kuwestiyonableng infrastructure project sa ahensiya noong 2021 na nagkakahalaga ng P2 bilyon.
Sa press conference sa LTO main office sa Quezon City, sinabi ni Lacanilao na ang proyekto ay kinabibilangan ng dalawang tatlong palapag na gusali na nagkakahalaga ng P499 milyon bawat isa, at isang Central Command Center na nagkakahalaga ng P946 milyon. Ang tatlong proyekto ay iginawad sa Sunwest Incorporated noong 24 Pebrero 2021.
Ayon kay Lacanilao, ang unang gusali na nasa tabi ng LTO main office ay para sa Information Technology (IT) Hub, habang ang ikalawa ay planong gamitin para sa road safety training at mga seminar, at ang ikatlong pasilidad, nagkakahalaga ng P946 milyon ay Central Command Center na nararapat para sa advanced monitoring at operational systems na nasa ikatlong palapag ng LTO main building.
“May mga gamit. Pero kulang-kulang. (Some) are defective,” pahayag ni Lacanilao matapos matuklasan ang mga anomalya nang ipag-utos niya na magsagawa ng internal audit pagkaupo niya bilang LTO chief.
Natuklasan sa pag-audit ang isang report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing ang tatlong proyekto ay nananatiling “not utilized”, dahilan para ipag-utos ni Lacanilao ang masusi pang imbestigasyon.
Idinagdag ng opisyal na isusumite ng ahensiya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang mga natuklasan bilang tugon sa gera ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., laban sa mga maanomalyang infrastructure project.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com