ARESTADO ang tatlong Chinese national sa ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Apalit, lalawigan ng Pampanga, nitong Biyernes, 17 Oktubre.
Ayon kay P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr, regional director ng PRO 3, magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng Pampanga Provincial Intelligence Unit at Apalit MPS, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng P480,000 halaga ng Modern brand na sigarilyo; P60,000 cash; at isang puting ilegal na Foton van.
Ani P/BGen. Peñones, ang pagpupuslit at ilegal na kalakalan ng tabako ay nakapipinsala sa mga lehitimong negosyo at naglalagay ng panganib sa kalusugan ng publiko.
Dagdag niya, ang kapulisan sa PRO3 ay nananatiling matatag sa pagpapatupad ng batas at pagprotekta sa mga komunidad sa rehiyon.
Ang matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa pangako ng PRO3 sa Focused Agenda ni acting CPNP P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., partikular ang Enhanced Managing Police Operations (EMPBO).
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Apalit MPS ang tatlong naarestong dayuhan habang inihahanda na ang pagsasampa sa kanila ng kasong paglabag sa RA 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com