AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAKABABAHALA ang nagaganap na tila magkaibang pagtrato sa dalawang pangunahing witness sa mga imbestigasyon sa anomalya ng flood control projects at paggamit ng pondo ng gobyerno: si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at si dating Marine Orly Guteza. Pareho silang may hawak na impormasyon sa malalaking isyu, pero tila magkaiba ang takbo ng hustisya pagdating sa kung paano sila tinatrato.
Si Bernardo, na dati’y mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways, ay dalawang beses nang humiling ng postponement sa kanyang pagharap sa Independent Commission on Infrastructure (ICI). Una raw ay dahil kailangan niyang maghanda ng mga dokumento at evidence. Ngayon naman ay humihihiling ulit siya ng postponement dahil sa diumano’y karamdaman. Pero hanggang ngayon, walang malinaw na detalye kung ano ang sakit na tinutukoy niya, o kailan siya tuluyang haharap sa ICI. Ang pinakamatindi sa lahat ay humihingi pa siya umano ng immunity.
Sa mga naunang pahayag ni Bernardo, marami ang nagsasabing bitin at hindi kompleto ang kanyang mga sinabi. Parang sinimulan lang niya ang kuwento, pero hindi tinapos. May mga binanggit siyang pangalan, pero walang malinaw na detalye kung paano at kailan nangyari ang mga anomalya. Puro kakilala ng kakilala ni Senator/ Congressman ang kaniyang itinuturo. Pinipili lang ba niya kung anong katotohanan ang kaniyang ibubunyag?
Sa kabilang banda, naroon si Orly Guteza, isang dating Marine na humarap mismo sa Senate Blue Ribbon Committee. Deretso niyang sinabi sa kaniyang testimony, under oath, na personal siyang naghatid ng maletang may lamang pera sa mga tirahan nina Rep. Zaldy Co at Speaker Martin Romualdez. Maraming detalye sa kaniyang testimonya, binanggit pa nga niya ang eksaktong bilang ng maleta at exact location ng mga bahay.
Pero, imbes kilalanin ang bigat ng kanyang pahayag, tila sinisiraan at pinapatahimik ngayon si Guteza. May mga nagdududa sa kanyang notarized statement, kahit na tumestigo siya under oath sa Senado. May mga ulat na binabantayan na siya ngayon ng mga dating Marines para sa sarili niyang kaligtasan.
Sino ba ang mas kapani-paniwala sa dalawa? Si Guteza ba na kahit alam niyang malalagay siya sa alanganin ay nagsalita sa harap ng publiko at tahasang pinangalanan sina Romualdez at Co? O si Bernardo na hindi buo ang pagsalaysay at patuloy na umiiwas ngayon sa pagharap sa ICI? (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com