MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang Top 1 Most Wanted Person sa municipal level ng Angat sa isinagawang operasyon sa parking lot ng isang mall sa Brgy. Tungko Mangga, lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Reyson Bagain, hepe ng San Jose del Monte CPS, kinilala ang suspek na si Bernardo Carvajal III, 39 anyos, at residente ng Purok 1, Brgy. Bagong Silang, Plaridel, Bulacan.
Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na pwersa ng San Jose del Monte CPS at Angat MPS sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong parricide na inilabas ni Presiding Judge Reuben Ritzuko Teshima Beradio, Malolos RTC Branch 104.
Sa pagsilbi ng warrant, nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .45 pistol (Colt, Serial No. 17115); apat na magazine; 25 na bala; isang cellphone; isang itim na pitaka na may mga ID; tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P68,000; at isang Mitsubishi Adventure na may plakang ZLM86.
Nabatoid na sangkot ang suspek sa sa insidente ng pamamaril noong Abril 20, 2024 sa Brgy. Marungko, Angat, Bulacan, kung saan ang biktima ay si Dennis Moreno, isang AFP official.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose del Monte CPS ang suspek para sa angkop na dokumentasyon at disposisyon, habang ang mga narekober na ebidensiya ay isasailalim sa ballistic examination, drug test, at laboratory examination sa Bulacan Forensic Unit. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com