ni Allan Sancon
MAGTATAMBAL sina Wilbert Ross at Bea Binene sa bagong Viva One series, Golden Scenery of Tomorrow, isang romantic series na ginawa ng Studio Viva sa pakikipagtulungan sa OC Records.
Hango ito mula sa best-selling na Wattpad novel ni Gwy Saludes. Ipinagpapatuloy ng serye ang matagumpay na University Series na umani na ng mahigit 695 milyong pagbasa online.
Mula sa tagumpay ng The Rain in España, Safe Skies Archer, Chasing in the Wild, at Avenues of the Diamond, hatid ang ikalimang kabanata na idinirehe ni Victor Villlanueca.
Gagampanan nina Bea at Wilbert ang karakter nina Avianna “Via” Diaz at Larkin “Arkin” Sanchez, mag-bestfriend na simula’t sapul. Sa kanilang pagiging magkaibigan ay unti-unting nahuhulog sa pagmamahalan na sinusubok ang kanilang samahan.
Sa media conference ay inilarawan ni Bea si Wilbert bilang reliable loveteam dahil sa napaka-maalaga ni Wilbert sa set.
“Lagi niya tinatanong kung okay lang ba ako? Happy ba ako? At mine-make sure niya rin kung komportable ba ako sa mga eksena namin,” sambit ni Bea.
Mas kumikislap din ang serye sa pagbabalik ng Univerkada—sina Heaven Peralejo, Marco Gallo, Jerome Ponce, Krissha Viaje, Gab Lagman, Hyacinth Callado, Aubrey Caraan, Lance Carr, Nicole Omillo, at Jairus Aquino—na muling nagdadala ng pamilyar na energy at kilig na inaabangan ng fans.
Sa maselang paglalarawan ng pag-ibig, sakripisyo, at pagtuklas sa sarili, nangangako ang Golden Scenery of Tomorrow ng isa na namang hindi malilimutang kabanata sa University Series—isang kwento ng tagumpay at pagsubok ng kabataang umiibig.
Saksihan ang pinakamalaking pag-ikot ng serye at maranasan ang isang pag-ibig na maningning. Mapapanood ang Golden Scenery of Tomorrow simula Oktubre 18 sa Viva One, na may mga bagong episode tuwing linggo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com