FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SA HINDI na mapigilang pag-alagwa ng flood control scandal, giit ng publiko ang isang makatwiran at agarang apela: ang buong katotohanan at ganap na pagpapanagot sa mga may kasalanan.
Totoong may matitindi at nakapaninirang ebidensiya na nalantad sa nakalipas na mga linggo sa magkakasabay na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, Independent Commission on Infrastructure (ICI), at maging ng bagong liderato ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lalo lang pinagningas ng mga ebidensiyang ito ang nagngangalit na panawagan ng bansa para sa hustisya — hindi sa paraang malamya, at may kinikilingan na magbibigay-proteksiyon sa mga makapangyarihan, kundi ‘yung walang kinikilalang partido, posisyon, at interes sa politika.
Nabanggit na ang malalaking pangalan sa Senado, pero huwag pakakampante, hindi makokontento ang publiko sa mga sacrificial lambs. Hangad nating malantad, maparusahan, at mapanagot ang buong makinarya ng pandarambong – mula sa ibaba, pataas!
Sa mga nangyayari, ang nakabibilib na pangunguna ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa imbestigasyon ng Senado — bukod pa sa kilala siyang likas na tumatanggi sa pork barrels at hindi pagkakasangkot sa pagbalangkas ng budget noong 19th Congress — ay naglagay sa kanya sa posisyon ng integridad at kawalan ng kinakailangang protektahan.
Madali lang itong matutukoy sa kanyang mga sinasabi, tinawag na “inside job” ang pagkakadawit ng ilang senador sa kontrobersiya at ‘pagnanakaw’ sa mga Filipino. Sinasabi niya ang totoo: cash deliveries sa mga engineer ng DPWH, sabwatan sa kickback na tinatawag na “leadership funds,” at pagsisingit sa budget na umaabot sa daan-daang bilyong piso bilang garapalang pandarambong.
At kung masangkot sa pagtunton sa korupsiyon ang mga senador, sige lang. Sabi nga ni Lacson: “Almost all senators” sa 19th Congress ay nagsingit ng aabot sa P100 bilyong halaga ng popondohan sa 2025 General Appropriations Act. Ang simpleng paglalahad na ito ng katotohanan ang inaasahan sa kanya, at sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan, hindi sana siya mabigo.
Pag-alis ni Magalong
Gaya ng maraming Filipino, ikinalulungkot ko rin ang pag-alis ni Baguio City Mayor Benjie Magalong mula sa ICI. Biglaan at nababahiran ng legalidad ang pagbibitiw niya sa puwesto, base na rin sa pahayag ng Palasyo. Ang ironic naman: na ang mismong pamunuan na nagtalaga sa kanya sa tungkulin ang mistulang nagkuwestiyon sa kanyang appointment sa kasagsagan ng laban na maglalantad na sana sa iniimbestigahan niyang sabwatan sa korupsiyon sa flood control projects.
Tama naman, at sang-ayon ako na ipinagbabawal ng Konstitusyon sa mga halal na opisyal ang humawak ng public appointments. Pero hindi naman nawalan ng silbi ang lahat. Nakatulong naman si Magalong bago lumisan sa ICI. Nagpursige siya sa pagsisiyasat, ibinunyag ang bulok na sistema sa DPWH katuwang ang bagong kalihim na si Vince Dizon.
Maaaring kakaunti lang ang naiambag ni Magalong, pero corroborative naman ito. At inaasahan kong hindi siya mananahimik kahit pa wala na siya sa ICI.
Pinakanakadedesmaya
Ang pangunahing nakadedesmaya para sa akin, sa totoo lang, ay iyong sa 21 inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan kaugnay ng multi-bilyon pisong kontrobersiya sa mga pagawain at sabwatan ng mga mambabatas, dalawa pa lang ang pinapangalanan sa binansagan ng netizens na “House of RepresentaTHIEVES!”
Para sa bilyon-bilyong pisong “ghost projects” na naglaho patungo sa bulsa ng makakapangyarihan at mga ganid, ang tanong ng publiko: Paano ito nangyari sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez?
Hindi bulag ang publiko sa maluho nilang pamumuhay, at hindi rin bingi sa mga bulong tungkol sa paghahatid umano ng pera sa sariling bahay ng Speaker — isang bagay na hindi pa napapatunayan. Pero nariyan pa rin ang katanungan: Hanggang saan ang nalalaman ng Pangulo tungkol dito, at handa ba siyang gisahin ang sarili niyang pinsan, o mananahimik at hindi na lang ba siya makikialam?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com