SIPAT
ni Mat Vicencio
KUNG sinamantala lang ng Duterte group ang sitwasyon nang arestohin si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, malamang na nasa kamay na ngayon ni Vice President Sara Duterte ang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Halos anim na buwan simula nang puwersahang arestohin ng Interpol at PNP si Digong at dalhin sa The Hague, Netherlands, pero mapapansin hindi man lamang kinayang makapaglunsad ng sunod-sunod na rally at demonstrasyon ng grupong DDS na sana ay nagpabagsak sa gobyerno ni Bongbong.
Nasayang din ang pagkakataon nang hindi nagawang kalampagin ng grupong DDS ang gobyerno ni Bongbong nang ma-impeached si Sara kahit na sinasabing ang utak ng impeachment case laban sa bise presidente ay si dating Speaker Martin Romualdez na inaambisyong maging pangulo sa 2028.
Kaya nga, totoo bang ‘mahinang nilalang’ ang mga organizers ng Duterte group? Dalawang malalaking pangyayari na halos ‘bumaboy’ sa pamilyang Duterte pero hindi man lamang nagawang pukawin ang galit ng mamamayan para mapabagsak ang gobyerno ni Bongbong.
At sa nakalipas na State of the Nation Address (SONA) ni Bongbong noong July 28, tuluyan nang natabunan ang usapin sa ‘Duterte kidnapping’ at Sara impeachment matapos palutangin ng pangulo ang flood control scandal at sabihin ang ngayong popular na linyang… “mahiya naman kayo!”
Matapos pumutok ang isyu sa flood control scandal, nagsimula at nagtuloy-tuloy na ang mga kilos-protesta sa Metro Manila at mga probinsiya, at sa kalaunan ay sumambulat na ang isang malaking pagkilos na isinagawa sa Luneta Park, EDSA Shrine at People Power Monument nitong September 21.
Parang basang sisiw ang mga DDS sa kanilang isinagawang pagkilos dahil halos matabunan sila ng libo-libong mga demonstrador na umabot sa 50,000 ang nagprotesta sa tinawag na ‘Trillion Peso March’ at ‘Baha sa Luneta: aksyon laban sa korapsyon’.
At hindi lang organized o progressive groups ang sumali sa rally kundi mga estudyente, drayber, guro, pami-pamilya at ordinaryong mamamayan na galit sa katiwalian at kasalukuyang nangyayaring nakawan sa gobyerno ni Bongbong.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com