ARESTADO ang isang lalaking matagal nang nagtatago sa batas sa kinakaharap na kaso sa hukuman sa isinagawang operasyon ng pulisya sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 27 Setyembre.
Kinilala ang suspek na si alyas Charlie, 53 anyos, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Citrus, sa nabanggit na lungsod at nasa listahan ng Additional Most Wanted Person sa city level.
Dinakip ang suspek ng mga awtoridad dakong 11:12 ng umaga kamakalawa sa kaniyang pinagtataguan sa San Pedro St., Brgy. Poblacion I, sa lungsod.
Pinangunahan ang operasyon ng Warrant Section ng San Jose del Monte CPS sa pamumuno ni P/Lt. Col. Reyson Bagain, acting chief of police, katuwang ang mga tauhan ng 301st MC, RMFB 3 at 3rd SOU, PNP Maritime Group.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa walong bilang ng kasong Qualified Rape of a Minor by Carnal Knowledge sa ilalim na walang inirekomendang piyansa.
Ang warrant ay inilabas ni Presiding Judge Ma. Cristina Geronimo Juanson, ng San Jose del Monte RTC Branch 5-FC na may petsang Setyembre 9, 2025.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose Del Monte CPS ang akusado para sa naaangkop na dokumentasyon bago bumalik sa korte na nag-isyu ng warrant.
Napag-alaman na matapos sampahan ng kasong pangagahasa ng menor de edad ay nagpakatago-tago na ang suspek at nagpalipat-lipat ng tirahan bago nasakote noong Sabado.
Pahayag ni P/Col. Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, patuloy na paiigtingin ng pulisya sa lalawigan ang pagtugis sa mga most wanted persons upang bigyan ng hustisya ang mga biktima ng krimen. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com