SUGATAN ang siyam katao sa ilang naiulat na mga insidente ng pagguho ng lupa sa pananalasa ng bagyong Nando sa Sitio Begis, Brgy. Poblacion, bayan ng Tuba, lalawigan ng Benguet, nitong Lunes ng hapon, 22 Setyembre.
Bukod sa mga nasugatan, nawasak rin ang ilang mga sasakyan kabilang ang isang fuel tanker, commuter van, at kotse.
Inilikas ng rescue teams ang mga biktima mula sa mga naguhuang lugar habang nagsasagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Cordillera.
Samantala, nanatiling sarado sa mga sasakyan ang Marcos Highway, Kennon Road, Baguio-Nueva Vizcaya Road, at Nangalisan-Asin-San Pascual Road – mga pangunahing daanan patungong lungsod ng Baguio – dahil sa mga landslide.
Nagsagawa ng inspeksiyon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Camp 6, Kennon Road, upang suriin ang slope protection gaya ng rock netting upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Maraming bahagi ng lungsod ang nakaranas ng kawalan ng koryente at pinapayohan ang mga motorista na huwag munang magtungo sa Baguio hanggang lumabas ng bansa ang bagyo.
Samantala, iniulat ng Department of Social Welfare and Development-Cordillera Administrative Region nitong Lunes na 662 pamilya o 1,959 indibiduwal ang inilikas sa mas ligtas na lugar sa gitna ng pananalasa ng bagyong Nando sa Hilagang Luzon.
Nananatili ang may 470 pamilya sa mga evacuation center, habang 192 pamilya ang nakisilong sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan.
Sa talaan, apektado ang 729 mga pamilya sa buong rehiyon: 661 sa Apayao, 28 sa Abra, 23 sa Benguet, siyam sa Ifugao, at siyam sa Mountain Province.
Ayon kay Maria Aplaten, regional director ng DSWD-CAR, tatlong bahay ang tuluyang nawasak at lima ang bahagyang nasira dahil sa bagyo.
Nakatakdang ipamahagi ng ahensiya ang 81,175 family food packs, 19,186 non-food items, at 4,981 ready-to-eat packs sa mga lalawigan, mga munisipalidad at mga barangay sa tulong ng mga social welfare officers.
Nagtalaga rin ang PRO-CAR PMP ng 1,081 pulis para sa full disaster response protocols.
Kabilang rito ang 742 sumanib sa Quick Reaction Teams upang tumulong sa mga rescue operation at paglilikas sa mga residente, at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga epaktadong komunidad. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com