FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NASA 30,000 hanggang 50,000 Filipino ang dumagsa sa lansangan, nagngingitngit sa galit, basa sa ulan, pero walang bakas ng pagkakatinag kahit pa sa harap ng banta ng super typhoon Nando.
Sa kabila nito, ang nasabing bilang, bagamat nakalulula nang maituturing, ay maliit na bahagi lamang ng sangkatutak na mayorya ng ating mga kababayan na sawang-sawa at bumabaligtad na ang mga sikmura sa garapalang pagnanakaw sa sadlak na nga nating bansa — partikular na sa Department of Public Works and Highways, at ang mga kasabwat nila sa Kongreso.
Sa nakalipas na dalawang dekada, inabuso at pinagkakitaan ang “power of the purse,” pero sa nakalipas na dalawang administrasyon, lalo pa itong lumala, nagmistulang halimaw ng pandarambong habang nagkukunwaring lingkod-bayan.
Pangunahing sinisisi ang gobyerno. Pero bibigyang-diin ko lang — hindi para purihin, kundi kilalanin — ang pag-amin ni President Bongbong Marcos Jr. na may nangyaring korupsiyon sa panahon ng kanyang pamumuno. Ibinulgar niya ito, kinondena ang mga naging kabiguan, at bumuo ng Independent Commission on Infrastructure.
Higit pa rito, nagtalaga siya ng bagong kalihim sa DPWH na, sa loob lang ng dalawang linggo, ay nagsibak ng mga pasaway na opisyal, nagsampa ng mga kinauukulang kaso, hiniling sa AMLC na mag-freeze ng mga ari-arian, at humarap pa nga sa mga pagsisiyasat ng Kongreso. ‘Yan ang mabilisang umaksiyon. Pero ang pag-aksiyon ay hindi pa masasabing pagbabago. Ang tanong: makakayanan ba ng momentum na ito ang tindi ng mga nakatayang interes na sumaid sa pondo na dapat sana ay sa mga pagawaing impraestruktura?
Sa Senado, pursigido ang Blue Ribbon Committee sa ilalim ni Ping Lacson na tukuyin ang mga contractor, mambabatas, at tuntunin ang pinuntahan ng nakulimbat na pera na minsan nang prinotektahan ang sarili nito sa ilalim ng nakalipas na liderato ng Senado.
Ang importante, malalim ang ginagawang pagsisiyasat ng Mataas na Kapulungan kompara sa Kamara, na hindi pa rin nakakawala sa alegasyon na nagsasabwatan ang mga contractor at mga kongresista. Dito na papasok ang tunay na digmaan — hindi sa mga talumpati, kundi sa paglalantad ng mga pangalan, grupo, at mandarambong na inakalang untouchable sila.
Pero harapin natin ang mas seryosong problema: Gusto na ba nating mapatalsik ngayon si Marcos? Kung oo, handa ba tayo sa kahihinatnan kapag napalitan na siya?
Nangangahulugan ito na si Sara Duterte na ang uupo sa Malacañang — isang pinuno na, hindi gaya ni Marcos, ay ayaw umaming naglustay ng daan-daang milyon ng pondo ng taong-bayan na ipinagkatiwala sa kanya. Umiwas siya, nagtago, sumalag, habang naghihintay na simpleng makalusot sa batas ang mga kaalyado ng kanyang pamilya. Ganyan ba ang gusto nating pumalit? O isa lang ba ‘yung kombinyenteng reset para kalimutan na lang ang pananagutan alang-alang sa politikal na praktikalidad?
Samantala, nakatiyempo naman ng perpektong timing ang mga oportunista. Sila iyong nakisakay sa galit na tinig ng taong-bayan, hindi para ipanawagan ang paglilinis sa nakagisnang sistema, kundi para igiit ang kani-kanilang sariling interes sa politika, ideyolohiya, at kapakanan.
Ang mga nagsamantala sa pagkakataon at humalo sa mga nagmamartsa ay hindi interesado sa pagpapanagot sa mga tiwali kundi sa pagpapabagsak sa mismong demokratikong gobyerno. Kasabay ng kabi-kabilang protesta, nakigulo ang mga magnanakaw at masasamang loob, nanira ng mga pribadong establisimiyento, nanunog ng mga estruktura, at nanakit ng mga mamamahayag na ang tanging ginawang ‘krimen’ ay ang buong tapat na iulat ang mga nagaganap.
At nariyan pa ang mga beterano sa intrigahan sa politika — tulad ni Chavit Singson — na deretsahang inayawan ng mga raliyista. Ibig kong sabihin, totoo namang ironic na siya pa ang humiling na bumaba sa puwesto si Marcos gayong siya mismo ang perpektong napapagitnaan ng mga pinakatiwaling sangkot sa eskandalong ito sa DPWH: ang kongresistang suma-sideline bilang contractor, o ang contractor na ipinagmamalaki ang kanyang pagiging kongresista.
Nagsisimula pa lang ang laban kontra korupsiyon. Nagsusumigaw ito sa puso ng mga manggagawa, ng may-ari ng maliliit na negosyo, ng mga nagsisimba, at ng mga taxpayer na sawa nang pondohan ang gobyerno na lantarang nambabastos sa ating dugo’t pawis matiyak lang na napapabuti ang ating bansa. Umasa tayong ang malawakang kilos-protestang ito ang magsisilbing opening salvo na magbibigay-daan sa mga kinakailangang reporma.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com