NASAKOTE ang isang pulis na nakatalaga sa Taguig CPS matapos tangkang ibenta ang ninakaw na motorsiklo nitong Linggo ng gabi, 21 Setyembre, sa Brgy. Wawa, lungsod ng Taguig.
Kinilala ang suspek na si alyas Patrolman RTP, nakatalaga sa Sub-Station 9 ng Taguig CPS, na naaresto sa ikinasang entrapment operation sa Cadena De Amore St., sa nabanggit na barangay dakong 10:00 ng gabi kamakalawa.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang operasyon mula sa reklamong isinampa ng biktimang si alyas Michelle, residente sa Mariveles, Bataan.
Isinumbong niya sa pulisya na ibinebenta ang kaniyang motorsiklong Yamaha Mio Aerox na ninakaw noong 10 Setyembre, at positibo niyang tinukoy na sa kaniya nga ang motorsiklong ibinibenta online.
Magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng Station Intelligence Section at Sub-Station 9 na nakipagkita sa suspek.
Dumating si Patrolman RTP sakay ng ninakaw na motorsiklo ngunit bigong makapagpakita ng dokumentong nagpapatunay na siya ang may-ari nito, hudyat upang arestohin siya ng mga kapwa pulis.
Nakompirma sa isinagawang beripikasyon na tumugma ang motorsiklo sa Certificate of Registration at Official Receipt na ibinigay ng biktima.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa PD 1612 o Anti-Fencing Law sa Taguig City Prosecutor’s Office; at kasong paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law sa Mariveles MPS, sa Bataan.
Nakatakda rin siyang sampahan ng kasong administratibo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com