TINUPOK ng sunog na umabot sa ikaapat na alarma ang isang commercial-residential building sa Tomas Pinpin St., Binondo, sa lungsod ng Maynila, nitong Lunes ng gabi, 22 Setyembre.
Nagsimula ang sunog pasado 8:00 ng gabi at iniakyat sa ikaapat na alarma dakong 9:45 ng gabi. Hindi bababa sa 15 truck ng bombero ang nagresponde.
Gumamit ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng isang aerial ladder upang apulahin ang apoy na kumalat hanggang sa pinakamataas na palapag ng gusali.
Nagsagawa ang mga tauhan ng ahensiya ng rescue operation upang masagip at mailikas ang mga residente sa gusali.
Nasagip ng mga bombero ang dalawa katao na na-trap sa loob ng nasusunog na residential building.
Ayon kay Fire Senior Inspector Demetrio Sablan Jr., acting chief of operations ng Manila Fire District, may mga na-trap pa sa naturang gusali na agad rin rescue.
“Pagdating po ng tropa kanina, may nakita kami na na-trap sa 7th floor. So, nasa may bandang veranda sila. So, agad po naming ini-utilize ‘yung aerial ladder po natin to conduct rescue operations.”
Dahil high rise building ang gusali, pahirapan ang pag apula ng apoy.
Laking pag-aalala ni Charmaine Lingbawan nang malaman na nasusunog ang building na tinutuluyan ng kanyang kapatid.
Tuluyang naapula ang sunog at idineklarang fire out dakong 2:37 ng madaling araw ngayong Martes, 23 Setyembre. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com