UMARANGKADA ang Poland patungo sa susunod na round sa pagpapatuloy ng kanilang “redemption tour”
Ipinakita ng World No. 1 Poland ang kanilang lakas matapos talunin ang Canada sa iskor na 25-18, 23-25, 25-20, 25-14, at umabante sa quarterfinals ng FIVB Volleyball Men’s World Championship nitong Sabado sa Mall of Asia Arena.
Maliban sa pagkatalo sa ikalawang set, dinomina ng Poland ang Canada sa loob ng 96 minuto. Lumalapit na sila sa inaasam na matamis na paghihiganti matapos magtapos na second place sa likod ng Italy noong 2022.
Pinangunahan ni Kamil Semeniuk ang Poland na may 18 puntos mula sa 15 attacks at 3 blocks. Nag-ambag din sina team captain Bartosz Kurek ng 15 puntos at Wilfredo Leon ng 14, para sa ika-apat na sunod na panalo ng Poland.
Makakaharap ng Poland ang Turkey sa darating na Miyerkules, matapos nitong talunin ang Netherlands sa unang Round of 16 match, para sa tsansa na makapasok sa Final Four.
Pinangunahan ni Adis Lagumdzija ang Turkey na may 28 puntos sa kanilang comeback win kontra Netherlands, 27-29, 25-23, 25-16, 25-19. Ito ang unang pagkakataon na nakapasok ang Turkey sa quarterfinals ng World Championship, higit pa sa kanilang dating pinakamataas na ranking na ika-11.
“Alam ng grupo ang hamon. Mayroon kaming matatalino at mahuhusay na manlalaro, kasama na ang mga kayang magbigay ng impact mula sa bench. At may coach kaming mahusay magamit ng tama ang bawat isa,” pahayag ni Kurek, na hindi masyadong ginamit sa huling preliminary match bilang paghahanda sa playoffs.
“Pero kailangan pa rin naming mag-adjust sa bilis ng laro at sa mga bagong papel habang lumalalim ang torneo. Ang una, kailangang manatiling malusog.”
Buong lakas na ginamit ng Poland ang momentum mula sa pagiging dominanteng koponan sa Pool B, agad nagtala ng 12-6 lead sa unang set at kinuha ito sa iskor na 25-18.
Mukhang tatapusin na ng Poland ang laban sa straight sets matapos pangunahan ang ikalawang set, 23-22, ngunit bumawi ang Canada at nanalo ng 25-23. Doon na nagtapos ang laban ng Canada, dahil muling bumalik ang ritmo ng Poland at tinapos ang laban sa matatag na 25-14 sa ika-apat na set, tampok ang 7-2 na panimula.
Para sa Canada, umiskor si Sharone Vernon-Evans ng 23 puntos at si Jackson Young ng 12, habang ang team captain na si Nicholas Hoag ay nagtala lamang ng 7 puntos sa kanilang pagkalaglag sa Round of 16, matapos mag-second place sa Pool G sa likod ng Turkey. (FIVB Media)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com