PINURI ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang men’s volleyball team ng Pilipinas, ang Alas Pilipinas, matapos itong umakyat sa ika-19 na puwesto sa nagpapatuloy na FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025.
Sa 32 bansang naglalaban-laban, 21 koponan ang tinalunan ng Pilipinas. Dahil dito, umakyat ang world ranking ng bansa mula ika-88 patungong ika-77 – isang makasaysayang tagumpay para sa Philippine men’s volleyball. Kasalukuyang nasa likod lamang ng France (ika-18) ang Alas Pilipinas at nauna sa Cuba (ika-20) at Germany (ika-21). “Usually kapag host country at mababa ang ranking, pinapalaro lang for experience at honor. Pero ginulat tayo ng pusong Pinoy talaga,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream noong September 19, kung saan ikinuwento niya kung paano hinarap ng koponan ang mga pagsubok at pinasaya ang buong bansa.
Bilang co-chairperson ng Local Organizing Committee (LOC), binigyang-pugay ni Cayetano ang Alas Pilipinas sa pagkamit ng unang panalo ng bansa sa World Championship laban sa Egypt, at sa kanilang makapigil-hiningang laban kontra sa powerhouse na Iran kung saan nakaabot sila sa limang set at nagtamo pa ng anim na match points bago natalo. Aniya, nakuha ng koponan ang respeto ng mga international officials sa kanilang ipinakitang laro.
“Talagang blessed ng ating Panginoon ang ating mga players at coaching staff,” wika ni Cayetano. Ipinunto rin niya ang mga natatanging performance ng ilang manlalaro na kabilang sa pinakamahusay sa torneo: si Bryan Bagunas ay ika-3 sa scoring (70 points) at attacking (61 points), at ika-7 sa blocking (6 points); si Joshua Retamar ay ika-4 sa setting (111 successful points); si Steven Ybanez ay ika-7 sa digging (21) at ika-5 sa receiving (23); at si Marck Espejo ay ika-4 sa receiving (24) at ika-7 sa blocking (6).
Ayon sa senador, ang tagumpay na ito ay patunay hindi lamang ng sakripisyo at pagsasanay ng mga atleta at coaches kundi pati na rin ng lumalaking pagmamahal ng mga Pilipino sa volleyball. “Proud na proud tayo, pero sana hindi lang kapag may panalo. Ang tagumpay nila ay bunga ng mahabang taon ng sakripisyo,” aniya, sabay panawagan ng tuloy-tuloy na suporta para sa isport.
#MWCH2025 #PHSenate #volleyballlife #Philippines2025
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com