FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
Sa iba’t ibang dako ng Asya, hindi na mapigilan ang pagsiklab ng galit ng tao laban sa korupsiyon. Sa Nepal, kabataan, sa pangunguna ng mga Gen Z, ang nag-aklas laban sa matinding pagkagahaman ng mga opisyal ng kanilang gobyerno, at umabot na sa sukdulan ang karahasan ng mga kilos-protesta, kung saan 19 ang nasawi at 100 ang nasaktan.
Sa Indonesia, ang pagkakabunyag na ang mga MP ay nakatatanggap ng housing allowances na halos sampung beses na mas malaki sa minimum na suweldo, bukod pa sa mga benepisyong wala man lang sa hinagap ng mga karaniwang manggagawa, ay nagbunsod din ng malawakang pag-aaklas, na nauwi sa panloloob sa mga bahay at maging sa kamatayan.
Dito sa Filipinas, seryosong tinututukan ng mga Filipino ang mga isa-isang natutuklasan tungkol sa ghost flood projects at sa sistematikong pagnanakaw ng pondo para sa mga pagawain ng mga halal at itinalagang opisyal, nagdudulot ng matinding galit na higit pa sa kayang maramdaman ng kasalukuyang henerasyon.
Para sa mga guilty na nasa gobyerno – magdasal na kayo. Malapit nang sumabog ang galit ng publiko. Ramdam namin ang pagtatraydor, pang-iinsulto, at pagkadesmaya habang napagtatanto namin na ang malalaking infrastructure projects na simbolo sana ng kaunlaran sa ilalim ng ipinagmamalaking “Build, Build, Build” at “Build, Build, More” programs ay pawang “Greed, Greed, More” pala!
Sa mga dokumentong nahalukay sa sariling pag-iimbestiga ni Sen. Ping Lacson, nalantad ang pinakanakaririmarim na corruption scandal sa DPWH na nagbuking sa kaugnayan ng dating kalihim ng kagawaran sa maraming ghost projects, palyadong pagawain, at dinayang mga bidding.
Pinangalanan sila ni Lacson: ang Globalcrete Builders ay nagbulsa ng ₱2.195 bilyon halaga ng flood control projects simula 2018 hanggang 2024. Ang kompanya ay pagmamay-ari ng pamilya Maglanque ng Candaba, na ang padre de pamilya, si Mayor Rene Maglanque, ay walang takot na lumagda sa mga kontrata kahit pa nakaupo sa puwesto, ayon sa report ng senador.
Nariyan din ang MBB Global Properties, na iniuugnay sa mga Maglanque. Ayon kay Lacson, ang MBB ay kumakatawan kina Macy Monique MAGLANQUE (President), Sunshine BERNARDO (Secretary), at Fatima Gay BONOAN Dela Cruz (Treasurer) – tumpak, ang anak na babae ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Madaling maintindihan kung sa Setyembre 21 ay bigla na lang sumiklab sa pagpoprotesta ang taong-bayan. Kung ang tanging paraan para magkasa ng reporma sa gobyerno sa panahong ito ay ang dalhin sa lansangan ang pananawagan para sa transparency, hustisya, at pananagutan, hayaan nating umalagwa ito, gawin natin itong malawakan!
Marahil makakokombinsi ito ng mas tapat na pagsisikap, mula sa panig ng pamahalaan, para linisin ang hanay ng mga nasa gobyerno. Mistulang seryoso naman dito si President Bongbong Marcos, isinantabi ang mga partido sa pagtatatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na inaaasahang magbubusisi sa flood control at iba pang infrastructure projects ng gobyerno sa nakalipas na dekada.
Ang pagtatalaga niya kay dating DPWH secretary Rogelio “Babes” Singson — na nagsilbi sa ilalim ng administrasyong hindi kaalyado ng mga Marcos — at sa accountant na si Rossana Fajardo, ay sumasalamin sa pagsisikap niyang balansehin ang kredibilidad at pagiging eksperto sa kani-kanilang larangan. Kapuri-puri rin ang pagtatalaga niya kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at imbestigador.
Gayonman, kapansin-pansin para sa mga may duda sa kanya kung paanong ang matapang na pagbubunyag ni Magalong ng mga katiwalian sa nakalipas na mga linggo ay bigla-biglang natatameme kapag natutunton ang korupsiyon sa panahon ni Duterte. Pero tandaan natin: si Magalong ay bahagi ng pagdidisiplina ni noon ay PNP chief Panfilo Lacson, na nasa sentro ngayon ng paglalantad sa pinakamatitinding magnanakaw sa kasaysayan ng pamahalaan.
Umaasa tayong kung bibigyan natin ng pagkakataon si Marcos, ang bago niyang DPWH Secretary na si Vince Dizon, at ang bagong tatag na ICI, maaari nating malinis ang gobyerno mula sa mga grupo ng mga mandarambong, at ibalik ang pagiging disente ng mga tunay na lingkod-bayan. Huwag na nating hintaying lumuha pa ng dugo ang taong-bayan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com