RATED R
ni Rommel Gonzales
MATAPOS ang historical win bilang Best Actress sa nakaraang Metro Manila Film Festival noong December 2024, “magpapahinga” muna si Judy Ann Santos sa pagsali sa festival.
“Ang ano ko nga, magpapahinga muna ako ngayong mga susunod sigurong taon sa MMFF.
“Parang ang laki kasi ng nawalang time sa akin with the kids noong December, and iyon din kasi ‘yung time na talagang busy kami sa Angrydobo.
“Eh iba rin ‘yung passion na ibinibigay ko sa Angrydobo,” pagpapatuloy ni Judy Ann.
Ang Angrydobo ang restoran nina Judy Ann at mister niyang si Ryan Agoncillo na may branch sa Alabang at Taft Avenue.
Naging sobrang busy si Judy Ann noong December dahil nga sa MMFF.
“Pero of course, masaya rin naman talaga. Kailangan mo lang i-prepare mo ‘yung sarili
sa pagod pagdating sa promo, sa parade, sa awards night.
“Kumbaga, hopefully, makagawa pa ako ng MMFF bago ako mag-50.”
Historical ang pagkapanalo ni Juday sa MMFF 2024 dahil 50th anniversary iyon ng festival.
Pahinga man sa pelikula, okay naman si Juday na gumawa ng teleserye dahil hindi naman iyon masyadong kakain ng oras.
“Ang gusto ko kasing series talaga ngayong gawin ‘yung may mga… magbibigay ka ng values sa mga bata.
“Parang rampant na ngayon ng bullying, rampant na ‘yung patayan, rampant na ‘yung agawan ng asawa, agawan ng anak.
“Kumbaga, parang gusto ko sana ibalik ‘yung wisdom sa mga bata, at ‘yung hope sa mga tao. Kailangan natin ng hope ngayon.
“Kailangan natin ng encouragement sa mga tao na kaya natin ito, eh. Kaya nating bumangon, kaya nating magsama-sama at maging isa.
“Puro kasi… ang bigat sa puso ng mga napapanood natin. Pero kasi, iyon ang kultura ng Filipino.
“Gusto natin talaga ‘yung nagbe-breakdown, gusto natin ‘yung nagsasapakan, nagsasabunutan, nagsasampalan.
“Pero parang ako, gusto ko gumawa ng teleserye na mabuksan man lang ‘yung mata ng mga tao na we were once compassionate. We were once human.
“Mayroon tayong pagkatao, mayroon tayong bait na ibinibigay sa mga tao.”
Iniluklok si Juday sa Hall of Fame ng MMFF dahil siya ang pinakabatang aktres na tumanggap ng Best Actress trophy. Ito ay noong 2006 para sa pelikula nila ni Ryan na Kasal, Kasali, Kasalo.
‘Di ba, Noel Ferrer?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com