INAASAHANG magkakaroon ng isang digital revolution ang Pilipinas sa pagsasabatas ng E-Governance Law (Republic Act No. 12254), isang panukalang isinulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano bilang susi tungo sa mas mahusay na serbisyong publiko.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na layunin ng bagong batas na hindi lang makahabol ang bansa kundi manguna sa e-governance sa digital age.
“Only God knows the limitation on e-governance. Halos unlimited ang opportunities. Think of it and it can be done. Gusto niyo ng e-payments, transactions na walang pila, na gamitin ay isang app lang, facial recognition — magagawa po ito sa bagong batas,” wika ni Cayetano nitong September 11, 2025.
Pinirmahan bilang batas ang E-Governance Act nitong September 5, 2025. Inaasahang itong pahusayin ang pamahalaan sa pag-streamline ng mga serbisyo at pagtaguyod ng transparency sa pamamagitan ng Information and Communications Technology.
Titiyakin rin nito na makikinabang ang mga mamamayan at negosyo sa digital transformation.
Si Cayetano ang naging sponsor at awtor ng panukala sa 19th Congress bilang tagapangulo ng Senate Committee on Science and Technology.
Kasabay ng Konektadong Pinoy Law na kanya ring inakda at inisponsor, giniit ng Minority Leader na dapat tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na imprastraktura upang masiguro ang pagpapatupad ng E-Governance Law.
“Hindi ito parang isang bill na kapag ginawa natin ay solved na lahat kasi right after this. Some of our people may say, ‘Uy maganda ‘yang E-governance Law, pero wala naman signal o mahal naman internet sa amin.’ We shouldn’t take this law by itself. Kung hindi ibi-build y’ung infrastructure sa digital age, hindi mo makukuha ang benefits ng digital age,” wika ng senador.
“E-Governance is not per se the solution to all of our problems. But it is a tool that, if used effectively and assigned properly to various agencies, can address many of our challenges today,” dagdag niya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com