ni TEDDY BRUL
ANG pariralang “Nagsabado sa Pasig” ay tumutukoy sa dakilang pag-aalsang naganap noong Sabado, 29 Agosto 1896 sa bayan ng Pasig.
Pinamunuan ito ng Anak-Pasig na si Heneral Valentin A. Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunero — armado ng itak, sibat, karit at ilang ripple — na sabay-sabay nagbangon laban sa kapangyarihan ng Kastila.
Mula sa mga baryo ng Pineda, Bagong Ilog, at Ugong, tumawid ang mga Katipunero sa Ilog San Mateo patungong Maybunga, at doon ay nakipagsanib-puwersa sa mga mandirigma mula Santolan, Rosario, Palatiw, Sagad, Poblacion, Pinagbuhatan, Bambang at Kalawaan. Buo ang kanilang paninindigan para sa Kalayaan. May sumugod sa makitid na tulay ng Bitukang Manok, samantala ang iba nama’y lumangoy sa ilog upang salakayin ang kuta ng mga Kastila.
Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal at ang himpilan ng Guardia Civil, at nasamsam ang 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Dahil dito, umatras si Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan.
Bago pa man ito, ipinabatid na niya (Sityar) sa opisyal ng Kastila ang mga kahina-hinalang pagpupulong sa Pasig at Mandaluyong, ngunit hindi nito napigilan ang pagputok ng himagsikan.
Ang gabing iyon ang nagmarka ng isang makasaysayang tagumpay ng mga Pasigueño — at higit sa lahat, ito ang unang pagsiklab ng Katipunan sa buong bansa. Kaya’t ang “Nagsabado sa Pasig” ang dapat kilalaning kauna-unahang paghihimagsik ng Katipunan, na sumiklab bago pa man ang kilalang Labanan sa San Juan.
Mula Pasig Hanggang San Juan: Labanan sa Pinaglabanan
Matapos ang maikling pamamahinga, halos 300 Katipunero ng Pasig ang nagtipon sa Santolan noong madaling-araw ng 30 Agosto upang sumama kay Supremo Andres Bonifacio sa San Juan.
Target nila ang El Polvorín, ang malaking bodega ng pulbura ng Kastila, at ang El Depósito, ang imbakan ng tubig na nagsusuplay sa Intramuros — ang matibay na kabisera ng kolonyal na kapangyarihan.
Ang matapang na pag-atakeng ito, na nakilala bilang Battle of Pinaglabanan, ang naging hudyat ng malawakang Rebolusyong Filipino. Ngunit hindi dapat malimutan na ang unang apoy ng himagsikan ay nagmula sa Pasig.
Muling Paggunita sa Kasaysayan
Maraming detalyeng madalas malimutan hinggil sa mga pangyayaring ito ang naitala sa aklat na “Rebolusyon Filipino: Memorias Intimas” ni Tenyente Manuel Sityar Jr., isang mestisong opisyal ng Guardia Civil na nakatalaga noon sa Pasig.
Orihinal na nakasulat sa Kastila, isinalin ito sa Filipino ni Trinidad O. Regala at inedit ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio Almario.
Sa isang talakayan sa Pasig City Museum, binigyang-diin ni Almario na may mga pangyayaring isinalaysay sa ating kasaysayan na ‘nakaliligaw’ dahil nakabatay sa bersiyon ng iilang historyador.
Sa mga tala ni Sityar, isinumbong na niya noong 5 Hulyo 1896 kay Gobernador Heneral Ramón Blanco ang tungkol sa mga pangkat sa Mandaluyong at San Juan na nagrerekrut ng mga kasapi at pinapipirma pa ng kasunduan gamit ang dugo. Ngunit binalewala ito ng mga awtoridad, at hindi binigyan pansin na mismong Katipunan na pala iyon.
Samantala, ayon sa ibang historyador, noong 19 Agosto 1896, ibinunyag ni Teodoro Patiño ang lihim ng Katipunan sa kanyang kapatid na si Honoria, na ipinasa naman ang impormasyon sa isang madre. Mula rito, nakarating kay Padre Mariano Gil, na naging daan sa pagkakatuklas ng Katipunan.
Pamana ng Pasig
Mauungkat na noong 18 Mayo 1896, ginanap sa Barrio Nicolas, Pasig ang Katipunan Asamblea Magna—ang pinakamalaking pagtitipon ng mga opisyal ng Katipunan sa buong bansa. Dumalo rito sina Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Emilio Jacinto, Dr. Pio Valenzuela, Valentin Cruz at iba pang pinuno ng Katipunan.
Upang hindi mabisto, lulan ng mga bangka ang mga Katipunero mula Maynila at karatig-bayan at nakisabay sila sa mga namamanata patungong simbahan ng Antipolo. Pagdating sa Pasig River, bumaba sila sa Barrio Bagong Ilog.
Madalas sa Pasig ginaganap ang mga pagpupulong ng Katipunan dahil ligtas at paborable ang lugar. Ang mataas na bahagi ng Barrio Ugong—na ngayo’y kinalalagyan ng Estancia Mall—ay nagsilbing tanod-puntod upang mabantayan ang mga dumarating sa poblacion ng Pasig.
Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) ang pagbibigay-liwanag sa mga pangyayaring ito—hindi lamang sa kabayanihan ng mga Pasigueño sa rebolusyon, kundi maging sa kanilang ambag sa kultura, musika, paglilingkod-bayan, at kalakalan sa paglipas ng panahon.
Nananatiling buhay ang alaala ng kasaysayan sa Pasig City Museum na matatagpuan sa Barangay San Jose, Plaza Rizal. Nagsisilbi itong paalala sa marangal na papel ng Pasig bilang unang lunsaran ng himagsikan tungo sa kalayaan ng Filipinas.
Sa Pasig unang sumiklab ang apoy ng Katipunan—at mula rito’y lumaganap ang liwanag ng kalayaan sa buong bayan. Ang kanilang dugo at dangal ay pamana ng ating pakikibaka. Padayon, tunay na kasaysayan ng sambayanang Filipino.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com