ARESTADO ang isang babae na kabilang sa anim kataong miyembro ng Salisi Gang na nambiktima kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia habang nasa isang restoran sa Pasay City, noong Martes ng hapon.
Ayon kay Garcia, naganap ang insidente dakong 1:00 ng hapon, 19 Agosto, sa isang restoran sa Buendia Avenue, sakop ng Pasay.
Dinampot ang isa sa anim na miyembro ng grupo na kinilala bilang alyas Hazel, 44, sa Zapote, Las Piñas City, sa isinagawang backtracking at isinagawang follow-up operation dakong 2:00 ng hapon kahapon ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District, kasama ang District Intelligence Division (DID) at Pasay City Police Station.
Ubos na ang cash sa narekober na bag, habang ang cellphone at mga ID ay nanatiling intact.
Nabatid sa rekord ng pulisya, 19 Agosto, Martes nang matangayan ng bag si Garcia dakong 12:50 ng hapon habang naghihintay ng inorder na pagkain sa isang restoran sa Roxas Boulevard Service Road, sa bisinidad ng Pasay City.
Katatapos dumalo noon ni Garcia sa pagdinig sa Senate hearing ng Anti-Dynasty bill.
Aniya, dapat maging alerto sa lahat ng pagkakataon dahil ang mga kawatan ay walang pinipiling lugar at oras.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com