BINIGYANG-DIIN ni PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III ang kahalagahan ng E911 system bilang tulay ng publiko sa agarang tulong ng pulisya.
“Sa isang tawag lang sa 911, agad nang darating ang saklolo. Mas mabilis, mas maayos ang koordinasyon, at may pananagutan ang mga tumutugon,” ani Torre.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, muling pinalakas at inilipat ang E911 sa PNP Command Center sa Camp Crame. Kaakibat nito ang bagong 5-minute response policy na nagtitiyak ng mabilis na tugon saan mang bahagi ng bansa.
Ayon kay P/Supt. Ramon Pranada, hepe ng PNP Command Center, isa sa mga bagong inisyatiba ay ang araw-araw na pagmamanman sa darating na Bangsamoro Parliamentary Election hanggang sa pagtatapos nito sa 13 Oktubre sa BARMM. Tinatawag nila itong Election Monitoring System.
Ang E911 system ay matatagpuan ngayon sa PNP Command Center sa Camp Crame, Quezon City. Sa pamumuno ni Gen. Torre, muling pinaigting at pinalakas ang emergency hotline na ngayon ay nasa loob na ng command center ng pulisya upang higit na makapagbigay ng tulong. Dati-rati, ang 911 emergency center ay nasa DILG call center sa Quezon City.
Ayon kay P/Supt. Ramon Pranada, umabot na sa 73% ang satisfaction rating ng publiko—tumaas ng 11% mula nang maupo si Torre noong 2 Hunyo.
Bilang patunay sa kahusayan ng sistema, nagsagawa si Pranada ng live 911 test call mula sa Bukidnon, isa sa pinakamalayo at mabundok na lugar sa bansa.
SEGURIDAD SA BARMM POLLS
Kaugnay ng darating na Bangsamoro Parliamentary Elections, iniulat ni Torre na alinsunod sa resolusyon ng COMELEC, nagsimula ang gun ban noong 14 Agosto at tatagal hanggang 28 Oktubre.
Bilang bahagi ng paghahanda, halos 10,000 pulis ang naipuwesto sa iba’t ibang bahagi ng BARMM upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
Ayon sa datos ng PNP, 94 bayan sa BARMM ang nakapailalim sa “red category” o mga lugar na may matinding banta, habang ang Buluan sa Maguindanao del Sur at Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte ay kasalukuyang nasa ilalim ng COMELEC control dahil sa mga insidente ng karahasan.
Gayonpaman, posibleng alisin na ang deklarasyong ito sa mga susunod na araw.
“Layon ng mga hakbang na ito na tiyakin ang seguridad ng mamamayan at ang integridad ng halalan sa BARMM,” pagtatapos ni Torre. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com