RATED R
ni Rommel Gonzales
HANDA na ang PMPC Star Awards, Inc. sa paglalatag ng red carpet para sa 37th Star Awards for Television sa Linggo, Agosto 24, 2025, sa VS Hotel Convention Center sa EDSA, Quezon City.
Patuloy ang layunin ng gabi ng parangal na kilalanin ang kahusayan sa telebisyon ng Pilipinas sa pagtatampok ng sining, pagkamalikhain, na nagpapakilala sa industriya, ng pinakaunang grupo ng entertainment media sa bansa.
“Handang-handa na kami para sa ika-37 Star Awards for Television, at excited kaming bigyan ng karangalan ang mga palabas sa telebisyon, mga ‘di-malilimutang panahon ng TV programming noong 2023. Sa kabila ng mga hamon sa pagbuo ng event na ito, mapalad kaming naituloy ito. At tulad ng nakagawian, ang Star Awards ay hindi lamang magbibigay parangal sa kahusayan, kundi ipakikita rin ang kinang, karangyaan, at kasiyahan,” ani PMPC Star Awards, Inc. President Mell T. Navarro.
Pangungunahan ang gabi ng mga kilalang hosts: ang King of Talk Boy Abunda at ang Concert Queen Pops Fernandez—itinuturing na mga haligi ng industriya. Sasamahan sila nina Elijah Canlas, Gela Atayde, at Robi Domingo, na magdadala ng kombinasyon ng siglang kabataan para magbigay ng aliw sa mga manonood sa buong gabi.
Tampok din ang mga kahanga-hangang pagtatanghal, kabilang ang masiglang number mula sa mga alumni ng Pinoy Big Brother na sina Jarren Garcia at Kai Montinola kasama ang umuusbong na P-Pop group na One Verse, bilang pagbibigay kasiglahan ng kabataang Pinoy ngayon.
Maghahandog naman ng isang madamdaming medley ang power couple na sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado, kasama ang kilalang mang-aawit na si Christian Bautista, bilang pagpupugay sa mga haligi ng industriya—Caridad Sanchez, Ariel Ureta, Geleen Eugenio, Malou Choa-Fagar, at Angelique Lazo, na tatanggap ng Lifetime Achievement Award.
Ang emosyonal na segment ay nagpapakita ng layunin ng PMPC—magbigay-pugay sa mga taong nag-ambag ng malaking bahagi sa kasaysayan ng telebisyong Filipino.
Idagdag pa rito ang modernong tunog ng pop-rock band na InnerVoices sa entablado at bibigyan naman ng finale ni Jed Madela ang engrandeng pagtatanghal na tiyak tatatak sa puso ng mga manonood.
Itatampok din sa 37th Star Awards for Television ang mahalagang pakikipag-partner sa BingoPlus, ang nangungunang PAGCOR-licensed e-gaming platform sa bansa, bilang Presenter. Ipinakikita ng pagtutulungang ito ang patuloy na dedikasyon ng PMPC sa pagbibigay-sigla sa industriya ng telebisyon, kasabay ng pagsuporta sa adbokasiya ng BingoPlus para sa sining, inobasyon, at pagkamalikhain sa larangan ng entertainment at digital platforms.
Kasinghalaga rin ang kabutihang-loob at suporta ng VS Hotel Convention Center, na naging daan upang maisakatuparan ang event na ito.
Sa direksyon ni Vivian Poblete Blancaflor, at stage design ni Rico Ancheta, inaasahan ang isang gabi ng hindi malilimutang kasayahan sa PMPC Star Awards for Television.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com