DALAWAMPU’T anim na katao ang naaresto sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan PPO katuwang ang Marilao Municipal Police Station at Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa loob ng Roxville Subdivision, Brgy. Saog, Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni Police Lt. Colonel Russel Dennis E. Reburiano, hepe ng PIU-Bulacan PPO, nahuli sa akto ang mga suspek na sangkot sa iligal na “spider derby” o sabong ng mga gagamba.
Nasamsam sa operasyon ang isang set ng spider arena, dalawang pirasong wooden palette, dalawang spider case na naglalaman ng labintatlong buhay na gagamba, at cash bet na tinatayang nagkakahalaga ng ₱11,600.00.
Dinala sa tanggapan ng PIU-Bulacan PPO ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa PD 1602 (Illegal Gambling – Spider Derby) at RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) laban sa mga naaresto.
Pinuri ni PColonel Angel L. Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, ang matagumpay na operasyon at binigyang-diin ang pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya ng Bulacan PNP laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal at kriminalidad upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com