UMABOT sa P11 milyong halaga ng mga pekeng produkto ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang establisimiyento na matatagpuan sa mga lungsod ng Maynila, Pasay at Valenzuela kabilang dito ang libo-libong piraso ng mga pekeng produkto ng kilalang brand ng eyeglasses.
Sa bisa ng 10 search warrants, pinasok ang apat na target na lokasyon sa Binondo, Maynila at sa Baclaran, Pasay City dahil sa pag-iimbak, pagbebenta, at pamamahagi ng mga peke at ginayang produkto.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakakompiska ng 19,546 piraso ng pekeng sunglassess at prescription glasses na may iba’t ibang tatak tulad ng Oakley, Ray-Ban sunglasses at prescription glasses na may tatak na Luxottica na tinatayang nasa P800 milyong halaga gayondin ang business documents, resibo, sales invoices at iba pang ebidensiya.
Sa nasabing pagkakataon, isinilbi rin ng NBI-National Capital Region (NCR) ang dalawang search warrants sa bodega sa Valenzuela City para sa hindi awtorisadong reproduksiyon.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakakompiska sa 6,293 piraso ng finish products at hindi pa natapos na counterfeit WD-40 trademarks, 270 piraso ng counterfeit canisters na aabot sa halagang P3-milyon, at iba’t ibang business documents at iba pang ebidensiya.
Pinuri ni NBI Director Jaime Santiago ang NBI-NCR sa matagumpay na pagpapatupad ng search warrants at pagpapatupad ng batas para matigil ang paglaganap ng mga pekeng produkto.
Pinaalalahanan ng NBI ang publiko na iwasan ang pagtangkilik sa mga pirated products upang maprotektahan ang intellectual property rights owners at palakasin ang ating ekonomiya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com