ARESTADO ang limang bugaw habang nasagip ang siyam na babae, kabilang ang dalawang menor de edad sa magkahiwalay na entrapment operation na isinagawa sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Acting Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, ang mga suspek ay kinilalang sina alyas Angeline, 37 anyos; Rammil, 33; Anthony, 24, pawang residente sa Brgy. Holy Spirit; Angel, 21, ng Brgy. Commonwealth, Quezon City, at Jerome, 30, nakatira sa San Quintin, Pangasinan.
Nakatanggap ang mga operatiba ng impormasyon tungkol sa mga aktibidad ng human trafficking sa loob ng tindahan ng suspek na si Angeline sa Commonwealth Ave., Brgy. Espiritu Santo sa lungsod.
Agad nagsagawa ng joint entrapment operation ang QCPD at nakipagtransaksiyon ang impormante sa manager ng tindahan, na si Rammil, na nag-alok ng isang babaeng menor de edad kapalit ng P1,500.
Sa pre-arranged signal, agad inaresto ng mga operatiba sina Rammil at Angeline, at nailigtas ang apat na babaeng biktima at isang menor de edad.
Kasunod nito, nagsagawa ng hiwalay na inspeksiyon sa D’ Angels Bar, kung saan natuklasan ng Business Permit and Licensing Department (BPLB) team na walang business permit ang establisimiyento, at ang mga waitress/guest relations officers (GROs) ay walang indibiduwal na yellow card o health certificate.
Dahil dito inaresto si alyas Anthony, ang manager ng bar, at nailigtas ang apat na babae.
Nadakip din si Jerome at Angel na kumokontak naman ng costumer para sa sexual intercourse.
Nahaharap sa kasong mga paglabag sa R.A. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) at R.A. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) ang mga suspek habang dinala ang mga nasagip na biktima sa Quezon City Social Services Development Department (SSDD). (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com