ISANG 24-anyos gurong lalaki ang napaslang nang malapitang pagbabarilin ng nag-iisang gunman sa bayan ng Balabagan, Lanao del Sur nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Danilo Barba, guro sa Balabagan Trade School at tubong Trento, Agusan del Sur na namatay noon din sa tama ng mga bala sa ulo.
Sa report ni Lanao del Sur Police Provincial Director P/Col. Caezar Cabuhat, naitala ang krimen dakong 8:00 ng umaga habang naglalakad papasok sa kanilang eskuwelahan si Barba sa Brgy. Narra ng bayang ito.
Biglang sumulpot ang armadong salarin na nag-aabang sa biktima saka pinagbabaril hanggang duguang napahandusay sa tabing daan ilang metro ang layo sa kanilang eskuwelahan.
Nataranta ang mga estudyante at guro sa matinding pagkabigla nang masaksihan ang pamamaril sa biktima.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa insidente upang matukoy ang motibo ng krimen at matukoy ang mga salarin.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com