NASAKOTE ang isangpuganteng preso na tumakas mula sa custodial facility ng Parañaque City Police Station nang maharang at maaresto ng mga pulis sa isang checkpoint sa Brgy. Pipisik, Gumaca, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Nabatid sa impormasyong na natanggap ng mga awtoridad na nakita ang preso na si alyas Anselmo na sumakay sa isang bus patungong Bicol ilang oras matapos makapuga mula sa Parañaque jail dakong 3:42 ng madaling-araw.
Noong 11:30 ng gabi ng Linggo nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Gumaca Municipal Police Station, 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company (QPMFC), District Special Operations Unit-Southern Police District (DSOU-SPD), District Intelligence Division-SPD (DID-SPD), at intel unit ng Parañaque City Police Station sa checkpoint ang tumakas na inmate.
Matapos maaresto, ibinalik na ang preso sa Parañaque City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa kanya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com