ISANG grupo ng mga batang mambabatas na kilala bilang House Hotshots ang nagsusulong ng makabuluhang reporma sa ika-20 Kongreso, pinangungunahan ng Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez.
Inihain ni Benitez ang panukalang batas na lilikha ng National Climate Resilience Institute (NCRI), isang sentrong pang-agham at patakaran na tututok sa pagtugon at pag-angkop ng bansa sa lumalalang banta ng mga sakunang dulot ng klima.
Suportado ito ng kapwa Hotshots na sina Assistant Majority Leader Brian Poe Llamanzares (FPJ Panday Bayanihan Partylist) at Batangas 6th District Rep. Ryan Recto. Layunin ng panukala na pag-ugnayin ang agham, polisiya, at aksiyon ng mga komunidad upang makabuo ng isang mas matibay at handang Filipinas.
“Hindi na hinaharap na panganib ang climate change; naririto na ito ngayon at tinatamaan ang ating agrikultura, baybaying komunidad, at impraestruktura,” ayon kay Benitez. “Kailangan natin ng isang permanente at siyentipikong institusyon na magsisilbing gabay ng pambansang estratehiya at magbibigay-lakas sa mga lokal na pamahalaan.”
Kabataang Mambabatas,
nakatuon sa kinabukasan
Ang House Hotshots — binubuo nina Benitez, Poe Llamanzares, Recto, at Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez — ay nagkakaisa sa adbokasiya ng mabuting pamamahala at makabagong reporma. Sa karaniwang edad na 29, kinakatawan nila ang bagong henerasyon ng mga lider na handang tugunan ang malalaking isyu ng bayan gamit ang ebidensiya at pananagutan.
Binanggit ni Poe ang pangangailangan ng “mga institusyong handa sa kinabukasan” para harapin ang krisis sa klima. Dagdag ni Recto, “Hindi luho ang pag-invest sa resilience; ito ay isang pambansang pangangailangan.”
Pagtugon sa klima ng panahon
Ipinapanukala ang NCRI sa panahong kabilang ang Filipinas sa pinakaapektado ng climate change, na bilyon-bilyong piso ang nawawala taon-taon dahil sa bagyo, baha, at tagtuyot. Magsisilbing sentrong imbakan ng datos at pananaliksik ang NCRI, kaagapay ng mga umiiral na ahensiya ngunit may sariling awtonomiya at akademikong disiplina.
Nakaiskedyul na ang panukala para sa pagdinig sa House committee on climate change at pinag-aaralang gawing prayoridad sa susunod na legislative calendar — hudyat ng unang malaking hakbang ng House Hotshots tungo sa makabago at maka-agham na pamamahala.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com