SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
PINASOK na ni Ice Seguerra ang pagko-compose ng kanta. At maririnig ito sa ini-release ng kauna-unahang twin single drop mua sa ilalabas na all original album na Being Ice. Nakapaloob dito ang dalawang komposisyon niya na parehong malapit sa kanyang puso.
Ang dalawang kanta ay ang Wag Na Lang Pala at Nandiyan Ka.
“I’ve spent most of my career giving life to other people’s words. This time, I get to give life to mine,” ani Ice, na nagpasikat ng mga kantang Pagdating ng Panahon at Para Lang Sa ’Yo.
At nagulat kami sa inamin ni Ice, “I was so afraid to release new songs, lalo na ‘yung ako mismo ang nagsulat.” Kaya naman sa tagal ng panahong kumakanta si Ice, ngayon lamang siya magri-release ng full-length album na kinapapalooban ng mga awiting galing sa puso— no covers, no remake, tanging nanggaling sa kanya lahat.
“What if people didn’t like it? I am a breadwinner, so parang kailangan ‘yung ginagawa ko, siguradong hit. But now, it feels freeing. I love doing acoustic songs pero sa ‘Being Ice,’ mas nagka-freedom ako to try new genre.
“Finally, kaya ko nang gawin ‘to. And for the first time, maririnig ng tao kung ano talaga ‘yung kwento ko,” wika pa ng magaling na singer.
Para pala sa kanyang amang si Daddy Dick ang awiting Nandiyan Ka na naglalarawan ng pagmamahal na hindi napansin hanggang huli na ang lahat.
“It’s about someone who loved you consistently, but you didn’t see it,” sambit pa ni Ice, na isinulat ang kanta kasama si ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo.
Ukolnaman naman sa pag-ibig na hindi nakahanap ng tamang tiyempo ang ‘Wag Na Lang Pala na kasama ni Ice sa pagsulat nito ang asawang si Liza Diño-Seguerra.
Magiging bahagi ang mga bagong kanta ng Being Ice, ang unang solo album ng singer-songwriter pagkatapos ng 10 taon na nagtataglay ng mga kanta na siya mismo ang nag-compose.
Nakatakdang ilunsad ang Being Ice sa ilalim ng Fire and Ice Music kasama ang Star Music sa distribution simula August 8. At napakikinggan na ang ‘Wag Na Lang Pala at Nandiyan Ka sa iba’t ibang music streaming platforms.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com