SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
PAGPASOK pa lang ng Grand Ballroom ng Ceremonial Hall ng Marriott, nagsabi na kaagad si Sylvia Sanchez na sobra siyang kinakabahan. Magbibigay ng speech ang premyadong aktres dahil ang kanilang Nathan Studios Inc., ang ginawaran ng Rising Producer Circle Award sa katatapos na 8th The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) noong Linggo ng gabi.
Kaya naman nang pinauupo namin siya sa may harapan, tinanggihan niya iyon. Mas gusto niyang sa gilid o sa may bandang likuran siya ipuwesto pero napilit naming maupo sa ikalawang hanay na nakita niya ang dating FDCP Chair na si Liza Dino-Seguerra.
Hindi naitago ni Sylvia ang sobrang kaba at inamin nitong mahirap para sa kanya ang magsalita sa entablado bilang producer dahil bitbit niya ang lahat.
Parte ng speech ni Sylvia na sa una pa lang ng pagtatatag ng kanilang Nathan Studios, nais na nilang tulungan ang Philippine cinema.
“From day one, our vision has always been clear, to help Philippine Cinema reach greater heights. To tell stories that matter and to bring our narratives to global communities stage,” ani Sylvia na mula nga naman sa Locarno, Toronto, at Cannes Festival ay napasok nila para roon mamili at magkaroon ng mga koneksiyon na may kinalaman sa pagpo-prodyus o paggawa ng pelikula.
Sinabi pa ni Sylvia na kinailangan nilang makipag-collab dito sa atin at ibang bansa para mag-grow. “This is how we dream bigger together,” anang aktres.
Pinasalamatan ni Sylvia ang mga taong naging kaagapay nila para maisakatuparan at mapalawak ang pagiging producer nila. Nariyan sina Liza, ang anak-anakang si Ice Seguerra na nagdala sa kanya sa Cannes para mag-obserba at matuto. Siyempre nariyan din ang ABS-CBN na laging handang tumulong at sumuporta sa kanya mapa-artista o producer man, Dreamscape, iWantTV na aminadong marami siyang natutunan at marami pang iba.
Bagama’t nakasalamin na si Sylvia at binabasa sa dalang cellphone ang speech nagkakamali pa rin dahil pag-amin ng aktres, sa sobrang kaba. “Nakasalamin na ako parang hindi ko makita nagkakamali pa ako ng pagbasa kasi nga sobra-sobra talaga ang kaba ko,” pag-amin nito na may pagkakataon talagang huminto at inamin kay direk Lino Cayetano (na nag-present ng award) ang nararamdaman. Lumapit ng kaunti ang direktor para bigyan siya ng suporta.
May pagkakataon ding nagsabi si Sylvia ng, “hinga muna ako sandali,” at tumalikod ito na palakpak at hiyawan ang isinukli ng audience bilangsuporta. “First time ko itong award bilang producer, sanay po ako na artista ako,” sambit pa ng aktres at ipinagpatuloy ang speech.
Sinabi ni Sylvia na nag-uumpisa pa lang ang kanilang Nathan Studios at maraming proyekto ang paparating mula sa kanila. Isa ang pelikulang very proud at excited siyang ibahagi, “something that the Philippine cinema has never been done before…a beautiful story with down syndrome.”
Sa kabilang banda, ginising naman kami ng isang mensahe sa messenger mula kay Aga Muhlach. Nagpapasalamat ito sa pagwawagi niya bilang Best Supporting Actor mula sa pelikulang Uninvited.
“Maraming salamat 🙏❤️,” mensahe ng aktor, 8:32 a.m. kahapon.
Na sinagot namin ng ‘congratulations!!!’ Ito ang ikalawang pagkakataong nanalo si Aga sa EDDYS. Una siyang nakatanggap ng pagkilala sa EDDYS noong 2018 bilang Best Actor mula sa pelikulang Seven Sundays.
“Really appreciate it. Sorry I couldn’t make it last night. 🙏
“Salamat even just for the nomination.
“One for the books sakin para mapansin lang ang trabaho ko. Thank you from the bottom of my heart,” sunod-sunod na mensahe pa ng magaling na aktor.
Naging inspirasyon din para gumawa muli ng pelikula si Aga sa pagkapanalo ng Best Supporting Actor. Post nito sa kanyang Instagram kasama ang artcard mula sa SPEEd, “#8thEddys gives the Best Supporting Actor award to Aga Muhlach for his remarkable role in Uninvited.
“Maraming salamat sa pag puna ng aking trabaho. Just to be nominated is already an achievement. To win, what more can I say… appreciate you all. Sa bumubuo ng Eddys, Maraming salamat ng sobra. Napaka laking bagay sakin ito. The rest is history. I rest my case. Love and light! Peace! yahoooo!!!! Inspired to work again!”
Samantala, sina Dennis Trillo at Marian Riveraat ang pelikulang Green Bones ang namayani sa katatapos na 8th EDDYS. Itinanghal na Best Actor ang Kapuso Drama King na si Dennis para sa pelikulang Green Bones habang Best Actress naman si Kapuso Primetime Queen Marian para sa Balota.
Wagi rin ang Green Bones ng Best Cinematography, Best Director para kay Zig Dulay, Best Supporting Actor para kay Ruru Madri, at Best Picture para sa GMA Pictures.
Si Lorna Tolentino naman ang Best Supporting Actress para sa horror movie na Espantaho na nakuha rin ang Best Visual Effects trophy.
Narito ang kompletong listahan ng mga nanalo sa ika-8 edisyon ng The EDDYS.
Best Picture: Green Bones
Best Director: Zig Dulay (Green Bones)
Best Actress: Marian Rivera (Balota)
Best Actor: Dennis Trillo (Green Bones)
Best Supporting Actress: Lorna Tolentino (Espantaho)
Best Supporting Actor: Ruru Madrid (Green Bones) and Aga Muhlach (Uninvited)
Best Visual Effects: “Espantaho”
Best Musical Score: (Isang Himala)
Best Original Theme Song: “My Future You”
Best Sound: “Topakk”
Best Screenplay: “Under a Piaya Moon”
Best Production Design: “The Kingdom”
Best Cinematography: “Green Bones”
Best Editing: “My Future You”
Isa sa highlights ng 8th EDDYS ang Box Office Heroes na iginawad kina Kathryn Bernardo at Alden Richards (Hello, Love, Again), Vice Ganda (And The Bread Winner Is…), Julia Barretto at Joshua Garcia (Un/happy for You), Piolo Pascual at Vic Sotto (The Kingdom), at sina Dennis at Ruru para sa Green Bones.
Ang pagkilala ay ipinagkakaloob sa mga bida na ang mga pelikula ay kumita ng mahigit P100-M.
Nagbigay pugay din ang 8th EDDYS sa mga alamat ng industriya na sina Laurice Guillen, Odette Khan, Perla Bautista, Pen Medina, Rosemarie Gil at Eddie Mesa, at ang National Artist na si Kidlat Tahimik, tumanggap sila ng Movie Icon award para sa kanilang body of work sa Philippine cinema.
Si Ogie Diaz ang ginawaran ng Joe Quirino Award. Ang beteranong entertainment editor na si Crispina Belen ay pinarangalan ng Manny Pichel Award.
Si RS Francisco naman ay tumanggap ng Isah V. Red Award, na nagpaparangal sa mga indibidwal na sumusuporta at nagbibigay inspirasyon sa mga mahihirap na Filipino.
Pinangunahan nina Alexa Ilacad, Darren Espanto, Kaila Estrada, at Kyline Alcantara ang awards night na ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay City. Sina Mr. Fu at Alexa Miro ang nagsilbing mga host ng red carpet.
Nagkaroon din ng special participation sa 8th EDDYS ang Pop Diva na si Kuh Ledesma at OPM icon at singer-songwriter na si Ice Seguerra, kasama sina Jackie Lou Blanco, Arman Ferrer, Carla Guevara, at David Young.
Sa kabilang banda, ang delayed telecast ay mapapanood sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, na may international streaming sa iWantTFC simula Hulyo 27.
Ang event ay inihatid ng Playtime PH sa pakikipagtulungan sa Newport World Resorts at ABS-CBN. Kasama sa mga co-presenters ang Globe at Unilab.
Ang karagdagang suporta ay nagmula kay Senators Camille Villar, Mark Villar, at Chiz Escudero, Beautederm Corporation, Luxxe White, Puregold CinePanalo Film Festival, Kat Corpus, My Daily Collagen, at Brightlight Entertainment.
Ang awards night ay mula sa mahusay na direksiyon ni Eric Quizon.
Ang nag-verify ng mga boto ay pinangasiwaan ang auditing firm ni Juancho Robles, ang Chan Robles & Company, CPAs.
Ang EDDYS ay inoorganisa taon-taon ng SPEEd, isang non-profit na grupo na binubuo ng kasalukuyan at dating mga entertainment editor mula sa mga pambansang pahayagan, tabloid, at online platform.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang The Eddys sa Facebook sa The Eddys (The Entertainment Editors’ Choice).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com