ARESTADO ang dalawa katao na sinabing nagnakaw ng mga e-bike sa Brgy. Salapan, lungsod ng San Juan, nitong Huwebes ng umaga, 17 Hulyo.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Hanz, 23 anyos, alyas Mimay, 25, kapwa mga residente sa Tondo, lungsod ng Maynila.
Ayon sa ulat mula sa pulisya, dumating ang dalawang suspek sakay ng tricycle sa lugar na may dalawang e-bike na nakaparada at tinangkang paandarin gamit ang gunting.
Lingid sa kanilang kaalaman, nakita ng mga tanod ng Brgy. Salapan ang kanilang ginagawa sa CCTV system ng barangay kaya agad silang humingi ng tulong sa pulisya.
Nadatnan ng mga nagrespondeng pulis mula sa San Juan CPS ang dalawang suspek na sakay ng mga e-bike patungo sa direksiyon ng Aurora Boulevard kung saan nagkaroon ng maikling habulan.
Narekober ng pulisya ang dalawang e-bike na tinatayang nagkakahalaga ng P79,300 bawat isa at ang gunting na ginamit ng mga suspek.
Kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspek sa San Juan PNP Custodial Facility habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanila. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com