NABAWI ng mga awtoridad ang P2.2-milyong halaga ng ninakaw na underground internet at cable wire habang nadakip ang hindi bababa sa 11 katao sa Brgy. Concepcion, lungsod ng Talisay, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Lunes, 14 Hulyo.
Ayon kay P/Capt. Reynaldo Bauden, Jr., hepe ng Bacolod Maritime Police Station, nagresponde ang kanilang grupo sa ulat mula sa isang concerned citizen na mayroong nagsusunog ng mga kableng copper sa lugar.
Ani Bauden, napansin ng concerned citizen ang usok nitong Linggo, 13 Hulyo, na maaring delikado sa kalusugan ng mga residente.
Sa pagresponde ng mga awtoridad, huli sa akto ang 11 indibiduwal sa isang bakanteng lote kalapit ng tubuhan, na nagsusunog ng mga kable kamakalawa ng hapon.
Nabatid na ang mga kable ay ninakaw sa Brgy. Villamonte at iba pang bahagi ng lungsod at ng lalawigan.
Karamihan sa mga nadakip ay mga residente ng nabanggit na lungsod.
Pinaniniwalaang organisado ang ginagawa ng mga suspek na pagsusunog ng kable saka ibebenta ang mga ito.
Magsasampa ang kompanya ng telco ng kasong pagnanakaw laban sa mga suspek habang sasampahan rin ng kasong paglabag sa RA 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999 ng pulisya. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com