DALAWANG lalaki ang naaresto habang nasamsam ang hindi bababa sa P28-milyong halaga ng ismagel na mga sigarilyo sa ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Trece Martires, lalawigan ng Cavite, nitong Lunes, 14 Hulyo.
Kinilala ng PRO 4A ang mga suspek na sina alyas Jamir, 32 anyos, residente sa bayan ng Carmona; at alyas Bayaw, 52 anyos, Chinese national na residente sa nabanggit na lungsod.
Nadiskubre sa operasyong magkatuwang na isinagawa ng Regional Special Operations Unit 4A at ng Trece Martires Component City Police Station, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs, ang 800 master cases ng iba’t ibang brand ng puslit na sigarilyo.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tinatayang P1.4 milyong cash sa iba’t ibang denominasyon na pinaniniwalaang pinagbentahan ng mga kontrabando.
Natagpuan ng mga awtoridad ang mga resibo ng mga transaksiyon sa banko, isang van, at limang winged container vans, na pinaniniwalaang ginamit sa pagbibiyahe at pagpapakalat ng kontrabando.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Graphic Health Warning Law. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com