NAMATAY ang isang taong may kapansanan (PWD), habang lima ang sugatan kabilang ang driver
nang umatras ang minamaneho nitong pampasaherong bus kamakalawa ng hapon sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Patay na nang idating sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Leonora Duldulao, 53 anyos, habang sugatan sina Edgar Canitan, 54; Saidon Maruhom, 21; Anna Grace Fabi, 23; Marco Philip Pangilinan, 28 at Eduardo Cervantes, 50.
Si Duldulao ay unang naiulat na nabundol at nagulungan ang mga hita.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong 12:40 ng hapon sa harap ng Commonwealth Elementary School, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nabatid na minamaneho ni Cervantes ang bus patungong Fairview nang bigla itong umatras kaya nasagasaan sina Canitan at Pangilinan.
Nadamay sina Fabi, Maruhom, at Duldulao na nagtitinda sa sidewalk.
Ayon kay Cervantes, nagulat siya nang mawalan ng preno at biglang umatras ang bus.
Nawasak ang motorsiklo ni Canitan at ang kariton nina Maruhon, Fabi, at Duldulao habang tinamaan ang van ni Pangilinan.
Agad dinala sa EAMC ang mga biktima ngunit binawian ng buhay si Duldulao.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Damage to Properties at Homicide ang driver na si Cervantes.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com