ISANG independent na House Committee on Appropriations na hindi nagpapadikta kahit kanino at tanging kapakanan ng mamamayan ang isinasaalang-alang, ito ang iginigiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco
Ayon kay Tiangco nakahanda siyang akuin ang hamon ng trabaho bilang chairman ng Appropriations ngayong 20th Congress kung susuportahan siya ng kanyang mga kasamahan na ayusin ang proseso sa pagbuo ng 2026 national budget at iwasan nang maulit ang nangyaring mga iregularidad sa nakaraan.
“Depende. Handa akong tanggapin ang pagiging Chairman ng Appropriations Committee kung susuportahan ng aking mga kasamahan na tugunan at pigilang maulit ang mga isyung bumalot sa 2025 budget,” ani Tiangco sa isang press statement.
Matatandaang binatikos ng iba’t ibang kritiko at grupo ang budget para sa kasalukuyang taon dahil punong-puno ito ng manipulation at insertions at sinabing nasa ilalim ng kontrol ng iilan sa House leadership. Si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay may mga items nai-veto rito.
Sa gitna ng mga kontrobersiya, nagbitiw si Ako Bicol Party-list Zaldy Co bilang tagapangulo ng komite sa kadahilanang pangkalusugan.
Binigyang-diin ni Tiangco na bukas siyang tanggapin ang Appropriations chairmanship pero hindi siya papayag na maging sunud-sunuran sa liderato ng Kamara at kung ang kapalit nito ay ang tahimik na pagsunod sa mga desisyon ng ‘iilan’ patungkol sa 2026 General Appropriations Act.
“Pero tatanggihan ko ang chairmanship kung inaasahan akong sumunod na lamang sa mga dikta ng liderato ng House of Representatives kaugnay sa pagbuo ng 2026 na GAA,” dagdag niya.
Lumulutang ang pangalan ni Quezon 2nd District Rep. David “JJ” Suarez na siyang napipisil ni House Speaker Martin Romualdez bilang Appropriations chairman sa bagong Kongreso ngunit ngayon pa lang ay tinututulan na ito ng karamihan dahil sa iba’t ibang kaso ni Suarez sa Office of the Ombudsman. (GERRY BALDO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com