SUGATAN ang isang 53-anyos babaeng vendor matapos maatrasan at makaladkad ng isang bus sa Commonwealth Ave., sa lungsod Quezon, nitong Linggo ng hapon, 13 Hulyo.
Sa pahayag ng isang kagawad ng Brgy. Commonwealth na kinilalang si Elmer Buena, huminto ang bus upang magbaba ng pasahero nang bigla itong umatras at masagasaan ang ilang sasakyan bago natamaan ang biktima dakong 1:00 ng hapon kahapon.
Dahil sa bilis ng pag-atras ng bus, hindi na nagawang makaiwas ng biktima dahilan upang maipit ang kaniyang hita sa gulong ng bus saka nakaladkad.
Inabot nang halos 20 minuto bago naialis ang biktima sa ilalim ng bus at nadala sa pagamutan.
Ayon sa isang vendor na nakasaksi sa insidente, mabilis ang pag-atras ng bus kaya nagkagulo at nagtakbuhan ang mga tao papalayo.
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng bus na kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon City Police District Traffic Sector 5.
Posibleng kaharapin ng driver ang kasong reckless imprudence resulting damage to property and physical injuries.
Gayonman, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng biglang pag-atras ng bus.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com