ARESTADO ang isang 33-anyos Chinese national nang mahulihan ng isang hand grenade sa lungsod ng Pasay, nitong Sabado, 12 Hulyo.
Kinilala ni P/Col. Joselito De Sesto, hepe ng Pasay CPS, ang suspek na si Long Lin, 33 anyos, empleyado ng Bitcoin Trading at residente sa lungsod ng Parañaque.
Dinakip si Lin ng mga tauhan ng Pasay CPS Substation 1 dakong 5:30 ng umaga sa Roxas Boulevard Service Road.
Ayon sa mga awtoridad, isang concerned citizen ang nagsumbong na may nakita siyang Chinese national na nakasakay sa isang berdeng kotse at may dalang granadang nakasilid sa isang pouch na Louis Vuitton.
Agad nagresponde ang pulisya at tinunton ang nakaparang sasakyan.
Tumanggi ang suspek nang hilingin ng pulisya na inspeksiyonin ang hawak niyang bag.
Isa sa mga pulis ang nagawang mabuksan ang pinto ng kotse hanggang makuha ang pouch na nakompirmang may lamang hand grenade.
Dinala ang suspek sa Pasay CPS custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com