
HATAW News Team
TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) na lahat ng 17 tripulanteng Pinoy ng MV Magic Seas, na inatake kamakailan ng mga rebeldeng Houthi, ay ligtas na nakauwi ng Filipinas.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ang anim sa mga naturang tripulante ay dumating sa bansa noong Biyernes habang ang 11 iba pa ay lumapag sa NAIA Terminal 3 nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Cacdac, ang lahat ng mga umuwing seafarers ay pagkakalooban ng DMW ng kinakailangang tulong at suporta mula sa kanilang “Aksyon Fund,” kabilang na rito ang tulong medikal at pinansiyal.
Unang iniulat ng DMW na ang 17 tripulanteng Pinoy at dalawang dayuhan ang nakaligtas sa pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa kanilang sinasakyang barko noong 6 Hulyo.
Naglalakbay ang MV Magic Seas sa 51 nautical miles timog Silangan ng Hodeidah, Yemen nang atakehin ng mga rebelde.
Matagumpay na nasagip ng dumaraang container ship na Safeen Prism ang mga nakatakas na tripulante.
Samantala, tiniyak ni Cacdac na ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang paghahanap sa 13 tripulanteng Pinoy na kabilang sa 22 tripulante na lulan ng lumubog na MV Eternity C sa Yemen, na inatake rin ng mga rebeldeng Houthi kamakailan.
Ang walo nilang kasamahan ay una nang nailigtas at ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com