KINOMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ulat na may tatlong Pinoy seafarers ang namatay sa barkong M/V Eternity C na intake at pinalubog ng Houthi rebels sa Yemen.
“Kino-confirm pa natin ito. It is just the information that we know from the UKMTO (United Kingdom Maritime Trade Organization) though our defense attaché,” ani DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa press briefing.
Ayon kay Cacdac, 22 ang crew ng MV Eternity C, 21 dito ay mga Filipino at lima ang nakaligtas sa paglubog ng barko.
“With the rescue of 5 ay 16 sa ngayon ang inaantabayanan pa rin natin kung ano na ang kinaratnan. Mayroon pang search operation as far as we know at patuloy ang paghahanap sa kanila,” ani Cacdac.
Dinala sa isang ligtas na lugar ang mga nasagip na limang Pinoy at tiniyak ang lahat ng kakailanganing tulong para sa kanila.
Kasunod nito, tatlong Pinoy pa ang iniulat na nasagip.
Kaugnay nito, sinuspinde ng DMW ang lisensiya ng manning agency at principal ng mga tripulanteng Pinoy ng MV Eternity C.
Sa ilalim ng DMW Department Order 1 na inisyu noong Marso 2024, may mandato ang mga shipowner at manning agencies na i-report ang pagdaan ng kanilang barko sa Red Sea at Gulf of Aden para tiyaking ang kanilang Filipino crew members ay naimpormahan sa panganib na maaaring idulot nito.
Karapatan ang mga tripulante na tumangging maglayag sa mga naturang mapanganib na lugar.
Samantala, sa ulat ng Reuters, nabatid na nitong Huwebes ay umabot na sa 10 crew ang nasagip, 8 sa kanila ay Filipino, isang Indian security guard, at isa pang Greek guard.
Kinompirma rin na apat sa 25 crew — tatlong Pinoy at isang Russian national — ang napaslang sa pag-atake ng Houthi.
Sa nawawalang 11 tripulante, anim ang pinaniniwalaang kinidnap ng Houthis. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com