HINDI nakaligtas sa kamatayan ang dalawa sa tatlong biktima ng pagsabog na naganap sa isang pagawaan ng mga armas sa Marikina City, kamakalawa.
Ayon kay Marikina City Police chief PCol. Geoffrey Fernandez, ang dalawang biktima, ay may edad 34 at 44 anyos.
Namatay ang isa dahil sa mga sugat sa dibdib mula sa mga shrapnel na tumama sa kanya habang ang isa namang biktima ay naputulan ng dalawang kamay dahil siya mismo ang may hawak ng sumabog na kahon, na may lamang bullet primer.
Habang nilalapatan ng lunas ang mga biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center nitong Lunes ay pumanaw sila.
Samantala, ang ikatlong biktima na may sugat sa mata ay nakalabas na sa pagamutan matapos malapatan ng lunas.
Kaugnay nito, tiniyak ng Armscor Global Defense Inc. (AGDI), ang pasilidad na gumagawa ng mga armas, bala at supplies para sa Armed Forces of the Philippines (AFP), na makikipagtulungan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagsabog.
Siniguro ni AGDI President at CEO Martin Tuason na magpapaabot sila ng suporta sa mga pamilya ng mga biktima habang umuusad ang pagsisiyasat.
Aniya, ang kanilang kompanya ay “fully” at “strictly compliant” sa international standards, industry practices at local regulations.
Matatandaang dakong 2:15 ng hapon nang maganap ang pagsabog sa tanggapan ng AGDI sa Barangay Fortune, Marikina City, habang gumagawa ng mga bala ang mga biktima.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com