
PATAY ang apat na tripulanteng sakay ng barkong Eternity C nang atakehin ng drone at speedboat sa karagatan malapit sa Yemen, ayon sa isang opisyal na may alam sa insidente, iniulat ng Reuters.
Karamihan sa mga tripulante ng barko ay Filipino.
Sakay ng Eternity C ang 21 Filipino habang ang isa ay Russian national, na sa kabuuan ay 22 katao, ayon sa maritime security sources.
Ayon sa mga ulat, ginamitan ng sea drones at rocket-propelled grenades mula sa speedboats ang naturang barko.
Nasa kalawakan ng laot ang Eternity C at unti-unting lumulubog, dagdag ng mga source.
May dalawang sugatan na crew, ayon sa opisyal ng Aspides, ang European Union mission na tumutulong sa seguridad ng mga barkong dumaraan sa Red Sea.
Sinabing may isa pang miyembro ng crew ang namatay habang nasa barko pagkatapos ng insidente.
Dalawang maritime security firms, kabilang ang Diaplous mula Greece, ang naghahanda ngayon ng rescue mission para sa mga crew na na-trap sa loob ng barko.
Sa isang pahayag nitong Martes, nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Filipino seafarers na gamitin ang kanilang karapatang tumangging bumiyahe sa mga “high-risk, war-like” na lugar gaya ng Red Sea, kasunod ng pinakahuling serye ng pag-atake.
Nitong Martes, kinondena ng International Maritime Organization Secretary-General Arsenio Dominguez ang panibagong karahasan: “Matapos ang ilang buwang katahimikan, ang pagbabalik ng ganitong klaseng pag-atake sa Red Sea ay isa na namang paglabag sa international law at kalayaan sa paglalayag. Mga inosenteng seafarer at lokal na komunidad ang direktang naaapektohan.” (Ulat ng REUTERS)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com