
HATAW News Team
KASALUKUYANG inihahanda ng Department of Migrant Workers (DMW) ang repatriation flight para sa sa 26 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Israel upang tulungan ang lumalaking bilang ng mga nagnanais umuwi sa bansa.
Katuwang ng DMW ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paghahanda kung sakaling mas lumala ang sitwasyin kasunod ng pagsali ng Estados Unidos sa Israel sa pagbabagsak ng mga bomba sa Iran nitong Linggo, 22 Hunyo.
Mula 85 OFWs sa mga unang araw na nagpakita ng interes na makauwi sa Filipinas matapos ang unang araw ng assault ng Israel sa Iran noong 13 Hunyo, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac umabot nang 223 ang bilang ng mga Pinoy na gustong makauwi na, naitala ilang araw lang ang nakalipas.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang atensiyon ng kagawaran sa pag-aayos ng repatriation flight at kaukulang tulong na ibibigay sa 26 OFWs na sasamahan ng tatlo pang Pinoy mula sa Jordan.
Ayon kay Cacdac, marami sa mga pauuwiing OFW ay mga caregiver at hotel worker na ipinasok ng mga agency, habang ilan ay mga OFW na 10 hanggang 15 taon nang nagtatrabaho, na lahat ay gusto nang makauwi.
Pahayag ni Cacdac sa press briefing na ginanap nitong Linggo, 22 Hunyo, ligtas ang mga OFW sa kanilang hotel accommodations sa Amman, Jordan, at nakatakdang sumakay sa repatriation flight ngayong Lunes, 23 Hunyo.
Dagdag niya, mayroong 33 pang OFWs ang naghahanda nang lumabas ng Israel sa pamamagitan ng pagdaan sa Jordan.
Inaasahan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nagpapakita ng interes na umuwi sa bansa sa mga susunod na araw sa gitna ng lumalalang sitwasyon ng seguridad sa pagsali ng US sa pambobomba sa Iran.
Bukod sa mga OFW mula Israel, nakatanggap rin ang DMW ng mga request for repatriation mula sa dalawang OFW sa Iran.
Sa kasalukuyan, mayroong nakatalang 30,000 Filipino sa Israel at 30 OFW sa Iran.
Nakatakdang dumating ang 26 OFW sa Maynila sa Martes, 23 Hunyo.
Matapos ang pambobomba ng US-Israel kahapon, agad gumanti ang Iran sa pamamagitan ng pagpapaulan ng ballistic missiles sa Israel.
Bukid sa repatriation, nagbigay rin ang DMW ng tulong sa mga OFW sa Israel kabilang ang pagtatakda ng apat na shelters para sa kanila sa gitna ng ganting pag-atake ng Iran.
Dalawa rito ang operational na at dalawa ang naka-standby, na may 53 Filipino ang kasalukuyang nananatili.
Kabilang ang pagkain at pinansiyal na tulong, nakaantabay rin ang tulong medikal na ibibigay para sa mga mangangailangang OFW.
Sa kasalukuyan, walong Filipino sa Israel ang naitalang nasugatan simula nang maganap ang bombahan sa pagitan ng dalawang bansa.
Isa rito ang nananatili pa sa ospital, habang nakalabas na ang pitong iba pa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com